Sabado, Mayo 2, 2020

NOLI ME TANGERE (Kabanata 51 - 64)

Kabanata 51: Ang Pagbabago

Nakatanggap ng liham si Linares mula kay Donya Victorina. Nabalisa ito sa babalang kailangan niyang maipapatay ang alperes.
Mas lalo pa nitong ikinabalisa ang pananakot ni Donya Victorina na kung hindi niya malalampaso ang alperes ay sasabihin nito kay Kapitan Tiago at Maria Clara ang sikretong hindi siya sekretaryo ng Madrid.
Habang iniisip ni Linares ang nabasang liham ay pumasok sa sala si Padre Salvi. Kinamusta nito si Linares at biglang pasok naman ni Kapitan Tiago.
Masayang ibinalita ni Padre Salvi na napawalang bisa na ang pagiging ekskomunikado ni Ibarra. Dagdag pa ni Padre Salvi, si Padre Damaso nalang ang sagabal ngunit kung kakausapin ni Maria Clara ang pari ay hindi na ito makakatanggi.
Ilang sandali pa ay dumating si Ibarra habang nag-uusap sina Padre Salvi at Kapitan Tiago. Ipinakita ni Padre Salvi ang pagkagalak kay Ibarra. Tumabi naman ang binata kay Sinang. Doon ay nagtanong si Ibarra kung galit ba sa kanya si Maria Clara.
Ayon kay Sinang, lagi daw sinasabi ni Maria Clara na limutin nalang daw siya ng binata. Nakiusap si Ibarra kay Sinang na makipagkita sa kanya ang dalaga. Nangako naman si Sinang na tutulong siya upang magkita ang dalawa.

Talasalitaan:

  • Liham – sulat
  • Nabalisa – hindi mapakali, natatakot
  • Alperes – opisyal ng militar
  • Malalampaso – matatalo
  • Ekskumonikado – bawal tanggapin ng simbahan habang nabubuhay
  • Sagabal – hadlang

Kabanata 52: Ang mga Anino

Sa madilim na sementeryo ay maaaninag ang tatlong aninong nagbubulungan.
Tinanong ng isang anino kung nakausap ba nito si Elias. Tugon naman ng isang anino ay hindi pa pero tiyak niya na kasama nila si Elias dahil minsan na itong nailigtas ni Ibarra. Dagdag pa ng isang anino na tinulungan ni Ibarra ang asawa nito na maipagamot sa Maynila.
Sila din daw ang sasalakay sa kwartel upang ipamukha sa mga gwardiya sibil na sila ang mga anak na handang maghiganti para sa mga ama nila. Napag-usapan din ng mga anino na aabot sa dalawampung katao na ang tauhan ni Ibarra.
Sandaling tumahimik ang mga anino nang may narinig na paparating. Dalawang anino ang magkasunod na dumating sa sementeryo. Ang unang anino ay walang iba kundi si Lucas. Hinanap ni Lucas ang dalawang magkapatid na nangakong makikipagkita doon.
Ayon kay Lucas ay may sumusunod sa kanya kaya kinakailangan maghiwa-hiwalay at magtago ang mga aninong nandoon. Nagtago si Lucas sa likod ng pintuan ng sementeryo at nagmatyag kung sino ang sumusunod sa kanya.
Bumuhos ang malakas na ulan at nagtatakbong sumilong si Elias sa likod ng pinto ng sementeryo na may bubong na yero. Doon ay natagpuan niya ang unang sumilong. Napagkasunduan ng dalawa anino na magsugal at kung sinuman ang matalo ay maiiwan upang makipagsugal sa mga patay.
Tumungo ang dalawa sa loob ng libingan at pumuwesto sa itaas ng puntod. Doon sila umupo ng magkaharapan at nagsimulang magsugal. Ang dalawang anino ay si Elias at Lucas. Sa huli ay natalo si Elias sa sugal nilang dalawa.

Talasalitaan:

  • Maaaninag – makikita
  • Tugon – sagot
  • Kwartel – tirahan ng mga sundalo
  • Nagmatyag – nagtingin tingin

Kabanata 53: Ang Mabuting Araw ay Nakikilala sa Umaga

Kinabukasan ay kalat na sa komunidad ang balitang may nakitang maraming ilaw sa libingan. Nagpapatunay ang puno ng Tersyaryo ni San Francisco na nakasindi ang iba’t-ibang hugis at laki na kandila.
Ngunit ang mas mahalaga ay may nakitang ilaw na hindi lalampas sa dalawampu. Ang bahay ni Hermana Sapa ay malayo sa sementeryo ngunit di naman siya magpapadaig kaya ipinagdiinan niyang may narinig siyang mga daing ng mga kaluluwa.
Si Hermana Rufa naman ay walang narinig at wala ding nakita ngunit ayon sa kanyang salaysay ay nakita niya sa panaginip ang kaluluwa ng mga namatay kasama ang mga buhay na humihingi ng mga indulhensiyang nakalista sa pangalan niya.
Habang abala sa pagkukwentuhan ang lahat ay may isang inosenteng bata ang nakapagsabi na isang ilaw lang ng kandila at dalawang lalaking nakasumbrero ang nakita niya sa sementeryo noong gabi.
Marami ang nagalit sa bata dahil sa ito raw ay nagmamagaling. Dahil sa hiya ay umalis nalang ang bata hila-hila ang ipinapastol na kalabaw.
Nang umaga ring iyon ay nagsermon ang kura tungkol sa kahalagahan ng pagdarasal. Sa araw ding iyon dumalaw si Don Filipo kay Pilosopo Tasyo na nakakaramdam na bilang nalang ang mga araw niya.
Binalita ni Don Filipo kay Pilosopo Tasyo na tinanggap na ng alkalde ang kanyang pagbitiw sa tungkulin. Ngunit para kay Pilosopo Tasyo ay hindi nararapat ang pagbitiw ni Don Filipo. Dagdag pa nito na iba na ang bayan makalipas ang dalawampung taon.
Nagkakaroon na ng bunga ang kabataan na nagsipunta sa Europa ganun din ang mga Europeo na nagsipunta sa Pilipinas. Nagpatuloy sa pag-uusap ang dalawa.
Nagtanong si Don Filipo kung nangangailangan ba ng gamot si Pilosopo Tasyo. Ani Pilosopo Tasyo hindi na niya kailangan ng gamot sapagkat siya’y malapit nang mamatay. Sa halip ay ibigay nalang iyon sa mga maiiwan.
Ibinilin ni Pilosopo Tasyo kay Don Filipo na sabihan si Ibarra na makipagkita sa kanya bago ito mamatay.

Talasalitaan:

  • Salaysay – pagpapahayag
  • Indulhensiya – kinokolektang pera ng mga pari
  • Pinapastol – pag-aalaga
  • Nagsermon – nagpangaral
  • Kura – pari

Kabanata 54: Walang Lihim ang Hindi Nabubunyag

Madaling nagtungo si Padre Salvi sa bahay ng alperes. Nang makarating sa bahay ay daredaretso itong pumanhik at malakas na tinatawag ang alperes.
Lumabas naman ang alperes kasama ang asawang si Donya Consolacion. Hindi pa man nakakapagsalita si Padre Salvi ay tumambad na agad ang reklamo ng alperes dahil sa mga alaga nitong kambing na sumisira sa kaniyang bakod.
Ngunit sinabi naman ng pari na hindi siya pumunta doon para sa kambing. Nagbigay ito ng babala dahil may mangyayaring pag-aalsa na maaaring ikapahamak ng madami sa gabing iyon. Ang planong ito ay nalaman ng pari nang mayroong isang babae ang nagkumpisal sa kanya.
Nagkaisa ang pari at ang alperes na paghandaan ang nalalapit na paglusob. Humingi ng apat na gwardiya sibil ang pari upang magbantay sa kumbento. Nang mga oras ding iyon ay nagmamadaling pumunta si Elias kay Ibarra.
Sinabihan ito na magmadaling umalis ng kanyang bahay dahil kalat na ang balitang may sasalakay sa kwartel at may isang nagsabi na binayaran ito ni Ibarra kapalit ng pagsali niya sa paglusob.
Pinatulong ni Ibarra si Elias na pagsama-samahin ang mahahalagang dokumento at nakita nito ang nakapirmang Don Pedro Eibarramendia.
Tinanong ni Elias kung kaanu-ano ni Ibarra ito. Laking gulat naman ni Elias nang malamang lolo ni Ibarra si Eibarramendia.
Si Pedro Eibarramendia ang lumikha ng matinding kasawian ng kanilang buhay. Tumindig si Elias sa harap ni Ibarra at saka mabilis na bumaba si Elias.

Talasalitaan:

  • Alperes – opisyal ng militar
  • Pumanhik – pumunta, sumampa
  • Tumambad – bumulaga, bumalandra
  • Pag-aalsa – paghihimagsik o pagtiwalag
  • Nagkumpisal – pagpapatotoo, nagpahayag
  • Paglusob – pagsugod
  • Kumbento – simbahan
  • Kwartel – tirahan ng mga sundalo
  • Kasawian – kamatayan

Kabanata 55: Ang Pagkakagulo

Sama-samang naghahapunan sina Kapitan Tiago, Tiya Isabel, at Linares. Niyaya naman ni Maria Clara si Sinang sa harap ng pyano. Hindi mapakali si Maria Clara sa paghihintay sa pagdating ni Ibarra.
Nang sumapit ang ikawalo ng gabi, narinig na tunog na batingaw ng simbahan. Nagtayuan ang lahat sa sala at nagsimula nang magdasal sa pangunguna ni Padre Salvi. Hindi pa man natatapos ang pagdadasal ay bumukas na ang pinto at siyang pasok ni Ibarra.
Tinangka pang lapitan ni Maria Clara si Ibarra ngunit biglang nakarinig ang lahat ng malalakas na putok sa labas ng bahay.
Nagtago si Padre Salvi sa likod ng haligi ng bahay. Walang tigil sa pagdadasal si Tiya Isabel habang magkayakap sina Sinang at Maria. Nanatili namang kalmado si Ibarra sa kabila ng takot nito.
Rinig din ang sunod-sunod na kalabog mula sa mga yapak ng mga paa. Nang matapos ang putukan ay pinababa ng alperes si Padre Salvi. Ang akala ng lahat ay humihingi ito ng tulong matapos masawi sa putukan.
Madaling pinapasok ni Tiya Isabel si Maria Clara at Sinang sa kwarto. Hindi na din nakapag-usap sina Ibarra at Maria Clara dahil mabilis na itong umalis.
Nang makarating sa bahay, agad na inutos ni Ibarra sa kanyang tauhan na ihanda ang kabayong sasakyan nito. Kinuha niya ang lahat ng salapi at alahas at sinilid ito sa isang sako at isinuksok sa gabinete. Binitbit din niya ang larawan ni Maria Clara. Nagdala din siya ng dalawang rebolber at isang panaksak.
Paalis na siya nang may narinig na sunud-sunod na katok sa kanyang pinto. Pagbukas ay nakita niya ang tatlong gwardiya sibil na naparoon upang arestuhin siya. Di man alam ang rason sa pagkadakip ay sumama parin ng matiwasay si Ibarra.
Samantala, gulong-gulo pa din ang isip ni Elias nang malaman na lolo ni Ibarra ang pinagmulan ng pagdurusa ng kanyang angkan. Pumunta ito sa bahay ni Ibarra ngunit nalaman na kinuha sya ng gwardiya sibil.
Nagkunwari ito na umalis pero ang totoo ay umakyat ito sa bintana ng bahay kung saan niya natagpuan ang mga salapi at alahas ni Ibarra kasama ang iba pang mga dokumento. Nakita rin niya doon ang larawan ni Maria Clara maging ang rebolber at panaksak.
Isinilid ni Elias lahat ng gamit sa sako. Nang paalis na ay may parating na gwardiya sibil kaya madali nitong kinuha ang gasera at winisikan ang mga gamit ng gas. Mabilis na tumalon si Elias sa bintana at nagsimulang magliyab ang bahay ni Ibarra.
Nagpupumilit pumasok ang mga gwardiya sibil ngunit di naman pumapayag ang mga katiwala hanggang walang sinasabi ang among si Ibarra.
Natinag naman ang mga katiwala nang makitang may dalang mga baril ang mga gwardiya sibil. Mabilis na pumanhik ang mga gwardiya ngunit wala silang natagpuan sa itaas kundi ang makapal na usok hatid ng sunog. Patakbo silang nagbabaan nang makita ang dingding na tinutupok na ng apoy.

Talasalitaan:

  • Sumapit – dumating
  • Batingaw – tunog na gawa ng kampana
  • Haligi – poste, tukod, o patayong semento na nagsisilbing tukod sa isang estruktura
  • Kalmado – mahinahon, relax
  • Kalabog – malakas na tunog
  • Alperes – opisyal ng militar
  • Rebolber – maliit na klase ng baril
  • Pagdurusa – paghihinagpis
  • Pumanhik – pumunta, umakyat

Kabanata 56: Mga Sabi-sabi at Pala-palagay

Kinaumagahan ay kita pa rin sa bayan ng San Diego ang takot. Tahimik ang buong paligod dahil walang makikitang palakad-lakad sa daanan.
Isang batang lalaki ang naglakas ng loob na magbukas ng bintana. Nang makita ng lahat ang katapangan ng bata ay sabay-sabay nagbukas ng kani-kanilang bintana ang magkakapit-bahay.
Ang kaninang tahimik na kapaligiran ay nagmistulang palengke sa ingay. May mga nagsasabi na grupo daw ni Kapitan Pablo ang mga lumusob.
May ilan namang nagsabi na nagkaengkwentro raw at nagbarilan ang mga pulis at ang mga konstabularyo na siyang naging rason kung bakit dinakip ang Bise Alkalde. May mga kwento pang nagkarambulan daw si Padre Salvi at ang alperes.
May kumakalat ding balita na Intsik ang lumusob. Nagtangka umano si Ibarra na itanan si Maria Clara kaya pinigilan ni Kapitan Tiago ang pagtatanan sa tulong ng mga gwardiya sibil.
Samantala, isang lalaki ang nakausap ni Hermana Pute. Ayon dito, nagtapat si Bruno at nagpatunay sa bali-balita tungkol kina Maria Clara at Crisostomo Ibarra. Bukod dito, may balita pa galing sa isang babae na nakita daw nito si Lucas na nakabitin sa ilalim ng puno ng santol.

Talasalitaan:

  • Lumusob – sumugod
  • Nagkaengkwentro – makasagupa
  • Dinakip – kinuha, inaresto
  • Bise alkalde – Bise mayor
  • Nagkarambulan – nagkagulo
  • Alperes – opisyal ng militar

Kabanata 57: Vae Victis o Ang mga Talunan

Nakabantay ang mga gwardiya sibil sa harap ng tribunal. Nagbabanta na papaluin ang mga bata ng baril kung sisilip ang mga ito sa rehas.
Malungkot ang paligid ng tribunal. Malayo sa tribunal na pinagdausan ng miting nung nagplano para sa kapistahan.
Naroon ang mga konstabularyo at mga pulis na pabulong kung mag-usap. Nasa tribunal din ang sekretaryo ng munisipyo, ang alperes at ang asawa nito, at dalawang klerk.
Ika-siyam na ng dumating si Padre Salvi. Sunod na dumating ang isang batang babae na umiiyak at may dugo sa salawal. Hinarap ni Padre Salvi ang dalawang natitirang buhay sa mga binihag ng mga gwardiya sibil.
Itinanong kay Tarsilo Alasigan kung may kinalaman ba si Ibarra sa naganap na paglusob. Iginiit nito na walang kinalaman ang binata sa halip ay gusto lang nilang ipaghiganti ang kanilang amang pinatay ng mga gwardiya sibil.
Dinala si Tarsilio sa limang bangkay kung saan ay nakita niya ang kapatid na si Bruno na puno ng saksak, ang asawa ni Sisa na si Pedro, at si Lucas na noo’y may tali pa ng lubid sa leeg.
Nanatiling tahimik si Tarsilio sa lahat ng tanong sa kanya kaya’t pinagpapalo ito hanggang sa magdugo ang buong katawan. Sa labas ay nakita ng kura ang kapatid na babae nila Tarsilio at Bruno.
Binulungan ni Donya Consolacion ang asawa na ipagpatuloy ang pagpapahirap kay Tarsilio ngunit hiniling nito na madaliin nalang ang kanyang kamatayan. Wala paring makuhang impormasyon mula kay Tarsilio kaya ito’y inilublob sa balon hanggang sa umagos ang dugo nito sa ilong at tuluyan nang binawian ng buhay.
Sunod namang binalingan ang isa pang bilanggo na si Andong sintu-sinto na tawag ng karamihan. Tinanong ng nag-uusig kung bakit siya nasa ilalim ng puno ng saging sa tabi ng kwartel. Aniya ang biyenan niya ang may kasalanan dahil pinapakain ito ng bulok na pagkain.
Nagkataong sumakit ang tiyan niya at tumakbo sa ilalim ng puno ng saging sa tabi ng kwartel at doon ay nagbawas. Doon siya pumunta dahil madilim ang lugar na iyon at tiyak ay walang makakakita sa kanya.
Nagulat nalang siya nang biglang may nagputukan at natakot nang biglang may humuli sa kanya. Ipinag-utos ng alperes na ibalik si Andong sa kapitolyo at doon ay ibilanggo.

Talasalitaan:

  • Tribunal – taga husga
  • Rehas – kulungan
  • Alperes – mayor
  • Salawal – pambabang kasuotan
  • Paglusob – pagsugod
  • Kura – pari
  • Inilublob – inilubog
  • Binalingan – binigyan ng atensyon
  • Kwartel – tirahan ng mga sundalo
  • Ibilanggo – ikulong

Kabanata 58: Ang Sinumpa

Nagkalat ang balitang dadalhin na sa kapitolyo ang mga bilanggo. Takot at hindi alam ang gagawin ng mga kamag-anak ng mga bilanggo.
Nagkukulong sa kwarto ang kura at bilin nitong sabihin sa mga maghahanap sa kanya na may sakit siya. Inutos naman ng alperes na dagdagan pa ang nagbabantay sa kwartel.
Kahit tirik ang araw ay marami pa din ang nakikiusyoso sa gagawin sa mga bilanggo. Nandoon din si Doray na asawa ni Don Filipo dala-dala ang kanilang sanggol. Si Kapitana Tinay ay aligagang hinahanap ang nag-iisang anak na si Antonio. Pilit namang umaakyat si Kapitana Maria sa pader upang masilip ang kambal na anak. Nandoon din ang byenan ni Andong na walang tigil sa kakasigaw na walang karapatang hulihin si Andong sa salang pag-upo sa ilalim ng puno ng saging.
May nagsabi na si Ibarra dapat ang sisihin na sinang-ayunan naman ng ilan-ilan. Alas-dos na nang may humintong kariton dala-dala ng dalawang baka. Tangkang sisirain ng mga kamag-anak ng bilanggo ang kariton ngunit pinigilan ito ni Kapitana Maria dahil tiyak ay papalakarin ang mga kamag-anak nila.
Maya-maya pa’y isa-isang lumabas ang mga bilanggo. Sunud-sunod na lumabas sina Don Filipo, Antonio, kambal na anak ni Kapitana Maria, at sabay na lumabas si Andong at Albina na kasintahan ni Victoria.
Huling lumabas si Crisostomo Ibarra na bagamat walang gapos ay napapagitnaan naman ng dalawang gwardiya. Marami ang nagalit dahil kung sino pa daw ang nanguna sa paglusob ay siya pang walang gapos.
Napayuko si Ibarra at ipinagpilitan niyang lagyan din siya ng gapos. Dinamayan ng kanya-kanyang kamag-anak ang mga bilanggo tanging si Ibarra lang ang hindi dinamayan ninuman.
Ang kalungkutan ng lahat at nauwi sa pagkamuhi kay Ibarra. Kung anu-ano ang masasamang bagay na sinabi sa kaniya ngunit nananatili lang itong nakayuko at buong kapagpakumbabaang tinanggap ang lahat ng pang-aalipusta.
Mula sa isang talampas ay nagmamasid ang pagal na pagal na si Pilosopo Tasyo. Nakabalot ang katawan nito sa makapal na kumot. Ikinaway ni Tasyo ang nanginginig nitong kamay kay Ibarra hanggang mawala na sa paningin nito ang kariton.
Nagbalik si Pilosopo Tasyo sa kaniyang tahanan na pagod na pagod. Kinabukasan ay natagpuan nalang ang malamig na bangkay ni Pilosopo Tasyo sa harap ng pintuan ng kanyang bahay.

Talasalitaan:

  • Kura – pari
  • Alperes – opisyal ng militar
  • Kwartel – tirahan ng mga sundalo
  • Aligaga – natataranta
  • Paglusob – pagsugod
  • Pagkamuhi – pagkainis, paglasuklam
  • Pang-aalipusta – panlalait
  • Nagmamasid-masid – tumitingin tingin
  • Pagal na pagal – pagod na pagod

Kabanata 59: Pagmamahal sa Bayan

Nailatha sa pahayagan ng Maynila ang lahat ng nangyari. Nagkaroon ng iba’t-ibang kahulugan ang mga balitang ito.
Ang magandang balita tungkol kay Padre Salvi at sa alperes ay pabor sa militar at sa simbahan. Samantalang ang balita na patungkol sa bilanggo ay laban lahat kay Ibarra.
Palihim na nagdadalawan at gumagawa ng mga panayam ang mga tao sa probinsya sa mga tauhan ng kumbento. Magkakaiba ang usapan dito.
Sa isang kumbento ay ipinagbunyi ang papel na ginampanan ng mga pari sa kapayapaan ng bansa katulad ng ginawa ni Padre Salvi.
Sa isang kumbento naman ay paksa ang mga nag-aaral sa Ateneo. Nagiging pilibustero daw ang mga hinuhubog ng mga paring Heswita.
Sa bahay naman ni Kapitan Tinong na noo’y laging bukas kay Crisostomo Ibarra ay nakarating na din ang balitang hinuli ng gwardiya sibil ang binata. Wala namang tigil sa paninisi ang kanyang asawa na si Kapitana Tinchang.
Ani Kapitan Tinong ang asawa pa nga niya ang nagsasabi na imbitahan si Ibarra dahil kung mayaman si Kapitan Tiago ay higit namang mas mayaman si Ibarra. Pinangangambahan ni Kapitana Tinchang na baka makulong din ang kanyang asawa dahil sa pakikipag-usap nito sa binata.
Dagdag pa ng Kapitana na kung lalaki lang siya ay pupuntahan niya ang Kapitan Heneral at hahamunin niya ang mga lumusob sa kumbento at kwartel.
Dumating ang kanilang pinsan na si Don Primitivo habang nag-uusap ang mag-asawa. Mabuti nalang at dumating ang Don dahil ito ay eksperto sa pagsasalita ng Latin. Hiningan ng payo ni Kapitana Tinchang si Don Primitivo dahil ito ay magaling mangatwiran.
Isinalaysay nito sa Don ang pagkabahala dahil minsan nang pinatuloy sa bahay si Ibarra. Ayon sa payo ng Don ay gumawa na daw ng huling habilin si Tinong. Nawalan ng malay ang kapitan dahil sa narinig.
Muli din itong nagising ng buhusan ng Don ng isang basong tubig. Nagpayo na ulit si Don Primitivo sa kung ano ang dapat na gawin. Pinuyuhan ng Don si Tinachang na pumunta sa Kapitan Heneral at regaluhan ito ng gintong singsing o gintong kwintas.
Bilin din nitong isara ang lahat ng bintana at pinto at sabihin na may sakit si Kapitan Tinong sa lahat ng maghahanap dito. Ipinapasunog din ng Don ang lahat ng papeles, sulat, at babasahin upang wala nang magamit na panlaban kay Kapitan Tinong.
Nang gabi ring iyon ay nagkaroon ng pagtitipon na dinaluhan ng maraming purong Espanyol at mestiso. Si Crisostomo Ibarra ang paksa ng kanilang usapan. May ilang nagsasabi na ang pinapatayong paaralan ni Ibarra ay di para sa mga bata kundi para gawing kuta na magagamit sa pansariling kapakanan.
Naisingit din sa usapan ang pagbibigay ng regalo ni Kapitan Tinchang sa Kapitan Heneral. Anila ay kuripot daw ang kapitana dahil sa kabila ng pagiging mayaman ay singsing lang na nagkakahalaga ng isang libong piso ang binigay dito.
Nang gabi ding iyon nagpadala ng sulat ang Kapitan Heneral na nagpapahatid ng imbitasyon sa ilang naninirahan sa Tondo at kalapit na komunidad.
Maaaring ito na ang imbitasyon sa kamatayan. Kabilang dito si kapitan Tinong na nangatog ang tuhod nang sundin siya ng mga gwardiya sibil sa kanilang bahay.

Talasalitaan:

  • Nailathala – naisapubliko, naibalita
  • Panayam – pakikipagusap
  • Kumbento – simbahan
  • Ipinagbunyi – pinagdiwang
  • Pilibustero – suwail
  • Hinuhubog – hinahasa, pinapagaling
  • Nangatog – nanginig

Kabanata 60: Ang Kasal ni Maria Clara

Umuwi si Kapitan Tinong na namamaga ang mukha at may latay sa ilang bahagi ng katawan. Nagkulong ito sa kanilang bahay sa takot na baka paimbestigahan na naman siya.
Ayon kay Don Primitivo ay dapat magpasalamat si Kapitan Tinong dahil sinunog nito ang mga papeles kung kaya’t ginulpi lang ito at hindi pinatay.
Masaya din naman si Kapitan Tiago dahil hindi ito naanyayahan upang imbestigahan. Dapat daw siyang magpasalamat sa kaniyang mamanugangin na si Linares dahil ito ay malapit sa Punong Ministro.
Pinag-usapan ni Kapitan Tiago at Donya Victorina ang pagpapakasal ni Maria Clara at Linares habang nasa silid ang dalaga. Habang nagpaplano ay puro si Donya Victorina lang ang nagsasalita at tangu-tango lang si Kapitan Tiago.
Matapos ihatid ni Tiago ang mga panauhin ay mabilis itong pumanhik at agad na tinawag si Tiya Isabel upang ipamalita ang nalalapit na pag-iisang dibdib nila Maria Clara at Linares.
Knabukasan ay maraming dumalo sa selebrasyon. Nandoon ang mga tinitingalang Espanyol at Intsik. Naroroon din sina Padre Salvi, Tinyente Guevarra, at Donya Victorina kasama ang asawa.
Si Linares naman ay nagpahuli dahil naniniwala siyang ang pinakasikat ang nahuhuling dumating sa mga pagtitipon. Hindi naman matanggap ng mga kababaihan ang pagpapakasal ni Maria Clara kay Linares. Dinig ng dalaga ang usap-usapan ng mga kababaihan na kayamanan lang ni Linares ang dahilan kung bakit ito magpapakasal.
Napansin naman ng alperes ang tahimik na si Padre Salvi. Nabalitaan nito na aalis na si Padre Salvi dahil ito ay ililipat na sa Maynila. Sinabi ni Tinyente Guevarra na hindi aabot sa pagkabitay ang ipaparusa kay Ibarra bagkus ay ipapatapon lang.
Habang abala ang lahat, nagtungo naman si Maria Clara sa asotea. Natanaw niya ang isang bangka malapit sa kanilang bahay. Ang bangka ay makikitaan ng mga damo na parang galing pa mula sa pagtakas.
Sakay ng bangka sina Elias at Ibarra. Saglit na dumaan si Ibarra sa bahay ng dalaga upang ibigay ang kalayaan ng dalaga. Ipinahayag din ni Ibarra ang kanyang nararamdaman para sa dalaga.
Ipinagtapat naman ng dalaga ang dahilan kung bakit siya magpapakasal kay Linares. Ayon sa kanya, hindi siya magpapakasal kay Linares dahil sa mahal niya ito. Napilitan lamang siya dahil sa kasaysayang pinanggalingan ng dalaga.
Hindi si Kapitan Tiago ang ama ni Maria Clara kundi si Padre Damaso. Hindi pumapayag si Padre Damaso na maikasal kay Maria Clara dahil galit ito kay Ibarra.

Talasalitaan:

  • Naanyayahan – pinapapunta
  • Pumanhik – pumunta, umakyat
  • Ipamalita – ipakalat
  • Tinitingala – hinahangaan
  • Natanaw – nakita
  • Ipinagtapat – sinabi

Kabanata 61: Ang Habulan sa Lawa

Plano ni Elias na itago si Ibarra sa bahay ng kaibigan niya sa Mandaluyong.
Huhukayin niya ang mga salapi at alahas na itinago niya sa puno ng balite na nasa libingan ng mga nito upang may magamit papunta sa ibang bansa. Doon ay mamumuhay siya ng tahimik.
Nang mapadaan sa ilalim ng tulay ay may narinig silang mga tunog ng takbo ng kabayo. Umiikot na ang mga gwardiya sibil upang hanapin si Ibarra.
Inalok ni Ibarra na sumama si Elias dahil pareho naman silang ng kinahantungan. Ngunit hindi naman pumayag si Elias. Malapit na sila sa palasyo ng Kapitan Heneral at kitang nagkakagulo na ang mga gwardiya sibil.
Paikot-ikot ang mga gwardiya sa paligid dahil tiyak na alam na ng mga ito ang gagawing pagtakas ni Ibarra. Tinakpan ni Elias si Ibarra ng mga damo upang hindi ito makita. Tinanong si Elias ng isang bantay kung saan ito nanggaling.
Galing siya sa Maynila at magrarasyon siya ng damo para sa alagang kabayo ng konsehal at kura ang tugon niya. Naniwala naman ang bantay kaya pinalagpas nito si Elias. Ibinilin ng bantay na huwag magpapasakay kung mayroon mang humingi ng tulong dahil may isang bilanggo ang nakatakas.
Muling lumabas si Ibarra ng makalayo na sa paningin ng bantay. Patungo sila sa Ilog Beata. Doon ay ibinaba ni Elias ang mga sakay na damo at nagputol naman ng mga kawayan. Sinakay rin nila sa bangka ang mga bayong na nagkalat.
Nang dumaan sa Malapad na Bato ay sinipat-sipat sila ng gwardiya. Sinabi niya na ibebenta niya sa mga Intsik ang mga kawayan at bayong na nasa bangka. Agad namang naniwala ang bantay at pinalagpas ulit si Elias.
Nakahinga nang maluwag ang dalawa dahil malayo na sila sa gwardiya ngunit meron silang napansin na lantsang paparating na parang sumusunod sa kanila. Iyon ang mga konstabularyo na mukhang ikinakasa ang kanilang mga riple at nakaasinta sa kanila.
Naghubad ng damit si Elias at biglang talon sa tubig. Balak niyang iligaw ang mga sumusunod sa kanila. Sa tuwing inilalabas ni Elias ang ulo ay nakakarinig si Ibarra ng mga putok ng baril. Habang nililito ni Elias ang mga gwardiya payapa namang inaanod ang bangkang hinihigaan ni Ibarra.
Nagpatuloy sa pagsisid at paglangoy si Elias. Makikita na ang pagod sa mukha nito. Malapit nang makarating si Elias sa pampang nang inasinta siya ng sarhento ng konstabularyo.
Maya-maya pa’y may nakitang dugo ang gwardiya ngunit wala namang nakitang bangkay.

Talasalitaan:

  • Kinahantungan – kinalabasan, kinasapitan
  • Sinisipat-sipat – tinatantsa
  • Lantsa – bangka
  • Nalilito – naguguluhan
  • Inasinta – pinatamaan
  • Sarhento – tagapamayapa, pulis sa parlamento

Kabanata 62: Ang Paliwanag ni Padre Damaso

Kinaumagahan ay kita pa din ang lungkot kay Maria Clara. Kahit ang mga regalong natanggap niya sa selebrasyon ay hindi niya pinapansin.
Ilang sandali pa’y dumating si Padre Damaso. Hiniling ni Maria Clara sa pari na ipahinto ang pagpapakasal nito kay Linares.
Plano sana ni Maria Clara na hanapin si Crisostomo Ibarra pagkatapos nito magpakasal kay Linares. Pero dahil patay na si Ibarra mas gugustuhin nalang ng dalaga na pumasok sa kumbento o kaya ay magpakamatay kaysa magpakasal sa lalaking di naman niya mahal.
Alam ni Padre Damaso na buo na ang loob ni Maria Clara na pumasok sa kumbento at wala na itong magagawa. Mas pipiliin pa niyang magmadre si Maria Clara kaysa sa magpakamatay kaya pumayag na din ito sa kagustuhan ng dalaga.
Pumunta si Padre Damaso sa asotea na umiiyak, tumingala ito sa langit at bumulong. Hiniling niya sa Diyos na wag idamay sa pagpaparusa ang kaniyang anak.

Talasalitaan:

  • Selebrasyon – pagdiriwang
  • Kumbento – simbahan
  • Asotea – balkonahe

Kabanata 63: Noche Buena

Sa isang dampang nakatayo sa tabi ng bukal sa paanan ng bundok, ay may isang matandang lalaki na gumagawa ng walis tingting.
Doon ay kasama ring naninirahan ang isang batang babae at isang batang lalaki. Naglalaro ang mga apo nito sa tabi ni Basilio na noon ay may sakit.
Inutusan ng lolo na ipagbenta ni Basilio ang mga nagawa nitong walis tingting at ibili ito ng tsinelas para sa Noche Buena mamaya. Wala namang ibang gusto si Basilio kundi ang madalaw ang nanay at kapatid. Gusto nang bumalik agad ni Basilio sa kanyang nanay dahil baka nag-aalala na ito.
Sa kabila ng kapaguran, nagpatuloy si Basilio sa paglalakd hanggang sa makarating sa kanilang dampa. Wala doon ang kaniyang kapatid at ina. Nabalitaan din niya ang pagkabaliw ng ina.
Inikot ni Basilio ang bawat kalsada hanggang sa may narinig siyang umaawit, paminsan-minsan ay hahalakhak at hahagulgol. Sinundan niya ang inang si Sisa. Nagtago si Basilio nang makitang tumindig ang ina sa harap ng kwartel.
Nagsisigaw ang ina sa alperes na ilabas nito ang kaniyang mga anak dahil kaarawan naman niya at bilang paaginaldo narin. Patuloy na hinabol ni Basilio si Sisa ngunit dahil wala naman sa matinong pag-iisip si Sisa ay tumatakbo ito palayo.
Hindi niya nakikilala ang anak na si Basilio. Nagpatuloy pa sa paghabol si Basilio at patuloy ding tumatakbo si Sisa. Naabutan ni Basilio ang ina niyakap niya ito at pinupog ng halik.
Maya-maya pa’y humandusay si Sisa na parang kinapusan ng hininga. Ginawa na ni Basilio ang lahat upang gumising ang ina ngunit ito ay naging isang malamig na bangkay na. Umiiyak si Basilio nang may isang sugatang lalaki ang pumasok sa libingan.
Ang lalaking iyon ay si Elias. Dalawang araw nang nandoon ang sugatang lalaki at pakiramdam nito’y hindi na siya uumagahin doon. Ibinilin ng sugatan na sunugin ang bangkay ni Sisa kasama ang bangkay niya. Pagkatapos ay muling bumalik sa lugar na iyon at hukayin sa paligid ng balite ang isang malaking kayamanan.
Ibinilin din nito na gamitin ang kayamanang ito sa pag-aaral. Lumipas ang dalawang oras at nakita sa kalangitan ang usok na nagmula sa libingan.

Talasalitaan:

  • Dampa – maliit na bahay
  • Halakhak – malakas na tawa
  • Tumindig – tumayo
  • Kwartel – tirahan ng mga sundalo
  • Alperes – opisyal ng militar
  • Pinupog – tinadtad
  • Humandusay – humilata, nakahiga

Kabanata 64: Katapusan

Nagpatuloy si Maria Clara sa pagpasok sa kumbento upang maging isang madre.
Si Padre Damaso naman ay natagpuang patay sa kaniyang higaan dahil sa labis na sama ng loob. May ilan ang nagsabing ito ay namatay sa alta presyon, may nagsasabi namang ito’y binangungot.
Si Padre Salvi naman ay wala nang ginawa kundi mag-intay ng mag-intay sa ipinangakong pagiging obispo.
Pinamili naman ni Kapitan Tiago si Tiya Isabel kung saan ito gustong manirahan, kung sa Malabon o sa San Diego.
Nangayayat naman si Kapitan Tiago dahil sa sobrang pagdadalamhati matapos pumasok sa kumbento ang anak-anakang si Maria Clara at nang malaman na siya ay pinagtaksilan ng kaniyang asawa. Nalulong ito sa iba’t-ibang klase ng bisyo. Malayo na ito sa dating nakasanayang Don Tiago.
Samantala, nagdagdag pa ng ilang kulot sa kaniyang malagong buhok ang nagmumurang kamatis na si Donya Victorina. Humuhusay narin siya sa pagsasalita ng Espanyol. Pinaturuan niyang magpatakbo ng kabayo ang kanyang asawa ngunit hindi ito natuto kung kaya’t si Donya Victorina nalang ang naging kutsero.
Nagkasakit at nangayayat naman si Linares matapos iwan ni Maria Clara. Namatay ito sa sakit na disenterya na nakuha niya sa pagkaing nabibili sa daan.
Nagpakalunod naman sa alak si Donya Consolacion matapos mawala ang kaniyang ganda dahilan kung bakit siya namayat. Ang alperes ay nakipaghiwalay sa nangangamoy niyang asawa.

Talasalitaan:

  • Kumbento – simbahan
  • Natagpuan – nakita
  • Obispo – isang opisyales ng Simbahang Katoliko, pari
  • Pagdadalamhati – pagdurusa
  • Pinagtaksilan – niloko
  • Humuhusay – gumagaling
  • Kutsero – nagpapaandar sa kalesa
  • Disenterya – uri ng sakit sa tiyan

Martes, Abril 7, 2020

NOLI ME TANGERE (Kabanata 38 - 50)

Kabanata 38: Ang Prusisyon

Kinagabihan, nagsimula na ang sunod-sunod na ingay ng mga paputok at sinabayan pa ito ng pagkalembang ng kampana.
Itinayo sa tapat ng bahay ng alperes ang isang kubo kung saan gaganapin ang pabasa sa banal na patron. Nag-inspeksyon din ang kapitan sa buong bayan kasa-kasama sina Ibarra, Kapitan Tiago, at ang alperes.
Ayaw sanang sumama ni Ibarra sa paglilibot dahil mas gusto niyang panoorin ang prusisyon mula sa balkonahe nina Maria Clara ngunit nahihiya naman itong tumanggi sa paanyaya ng Kapitan Heneral.
Tatlong sakristan ang nangunguna sa prusisyon na sinundan naman ng mga estudyante at mga guro. Kasama rin sa pila ang mga batang may hawak na makukulay na parol.
Palakad-lakad ang mga gwardiya sibil habang mahigpit na nagmamasid sa paligid upang mapanatili ang kaayusan ng prusisyon.
Habang nakikita naman ni Pilosopo Tasyo ang mga paputok, bulaklak, parol, at mga kandila na siyang nagpapaganda sa paligid ay bubulong-bulong ito. Aniya hindi mahalaga kung ano ang dinadamit mo o kung ano ang mga nakadisenyo sa paligid. Ang mahalaga ay ang mabuting gawa hindi lamang garbo ng mga salita.
Isang batang lalaki na may pakpak ang lumabas sa entablado upang pasimulan ang ang pabasa. Muling nagpatuloy sa pagtugtog ang banda at paglakad ng prusisyon.
Nang mapatapat ang karosa ng Birhen sa harap ng bahay ni Kapitan Tiago ay may narinig sila na isang mala-anghel na tinig. Boses iyon ni Maria Clara na umaawit ng Ave Maria habang tumutugtog ng pyano.
Ramdam na ramdam ang kalungkutan ng dalaga sa kanyang pag-awit. Dinig na dinig din ni Ibarra ang awit ni Maria Clara na puno ng lungkot at pait.
Hindi napansin ni Ibarra na pinagmamasdan pala siya ng Kapitan Heneral. Niyaya ng Heneral si Ibarra sa hapagkainan at pinag-usapan nila ang dalawang batang nawawala na sina Crispin at Basilio.

Talasalitaan:

  • Pagkalembang – pagtunog
  • Alperes – batang opisyal ng militar
  • Prusisyon – parada
  • Garbo – maganda, magara
  • Karosa – karwahe

Kabanata 39: Si Donya Consolacion

Sa pagdaraanan ng prusisyon tanging ang tinitirahan lang ng alperes at ang kaniyang esposa ang nakasara ang bintana. Wala ding kandilang nakasindi sa bahay.
Hindi lingid sa nakakarami, mahigpit na ipinag-uutos ng alperes sa kanyang esposa na huwag itong lalabas. Takot ang puno ng mga gwardiya sibil na makita at maamoy ng Kapitan Heneral ang di kaaya-ayang amoy ng Donya.
Siya si Donya Consolacion. Wala namang pakialam ang Donya sa kung ano ang sasabihin ng iba. Kahit laging usap-usapan ang tuyot na tabako na laging nakasalampak sa labi niya; kahit laman ng tsismis ang buhol-buhol niyang mga buhok at ang napakaingay na bibig naniniwala pa din siya na siya ang pinakamaganda.
Ang mahalaga kay Donya Consolacion ay siya ang reyna ng mga gwardiya sibil at senyora ng mga utusan at asawa ng alperes.
Narinig ni Donya Consolacion ang awit ni Sisa na nasa kulungan. Inutusan ng Donya ang gwardiya sibil na papanhikin ang umaawit.
Inutusan niya si Sisa na muling kumanta ngunit hindi agad ito sumunod dahilan kung kaya ang lahat ng galit niya sa asawa ay ibinuhos niya sa kaawa-awang si Sisa.
Sa inis ng Donya ay inutusan niya ang gwardiya sibil na pakantahin si Sisa. Sinunod naman ito at umawit ng isang malungkot na awit ng pag-ibig.
Sa simula ng pagkanta ay pinagtawanan lamang ito ng Donya subalit ito ay unti-unting nawala. Naging seryoso siya sa pakikinig at nakangangang pinagmamasdan ang umaawit.
Pinahinto ng Donya si Sisa sa pag-awit at palihim namang napangiti ang katulong nang malamang marunong palang magsalita ang Donya ng Filipino.
Muli niyang inutusan si Sisa na sumayaw ngunit hindi ito sumunod. Nagalit muli ang Donya at pinaglalatigo si Sisa. Dahil sa pangyayaring ito ay nahubaran ng damit si Sisa at nagdugo ang kanyang mga sugat.
Nagalit ang alperes nang makita ang pangyayaring ito. Inutusan ng alperes ang isang kawal na damitan, pakainin, at gamutin ang mga sugat nito dahil bukas ay ihahatid si Sisa kay Ibarra.

Talasalitaan:

  • Alperes – batang opisyal ng militar
  • Esposa – asawang babae
  • Papanhikin – umakyat, sumampa, bumisita
  • Pinahinto – pinatigil

Kabanata 40: Ang Karapatan at Lakas

Alas-dyes ng gabi nang sinimulang paputukin ang mga huling kwitis hudyat ng pagsisimula ng dula. Karamihan sa mga tao ay papunta na upang manood ng nasabing pagtatanghal.
Sa unang hanay nakaupo ang mga sikat na tao sa bayan katulad ng mga Kastila at opisyal ng bayan. Samantala ang mga hindi nabanggit ay nakaupo sa likuran. Ang mga maralita naman ay makakatayo lamang sa mga upuang dala-dala nila.
Pinamumunuan ni Don Filipo ang dula dahil abala sa pagsusugal ang alkalde ng mga gabing iyon. Nagdatingan na ang iba pang mga panauhin katulad ni Maria Clara kasama ang kanyang mga kaibigan, si Padre Damaso, si Padre Salvi, at ilang Kastilang panauhin.
Maya-maya pa ay sinimulan na ang palabas sa pag-awit nina Chananay at Marianito. Habang abala sa panonood ang lahat napansin naman ni Padre Damaso ang noo’y matamlay at may dinaramdam na si Maria Clara.
Nasa ikalawang bahagi na ng dula nang dumating si Crisostomo Ibarra. Napabuntong hininga si Padre Damaso nang makita niyang nakatingin ang lahat sa dumating na binata.
Hindi naman ito pinansin ni Ibarra at agad na tumabi kay Maria Clara. Nang nakita ni Padre Damaso na masayang nag-uusap ang magkasintahan, agad itong tumungo at nakipagkomprontasyon kay Don Filipo.
Ngunit isa si Ibarra sa may pinakamalaking abuloy kung kaya’t hindi niya ito maaaring paalisin. Dahil hindi napaalis si Ibarra, si Padre Damaso na lang ang umalis kasama ng ibang pari.
Ilang sandali pa’y umalis na din si Ibarra sa dula dahil sa kahihiyan nito. Aniya meron pa siyang ibang lalakarin sa araw na iyon.
Habang nanonood ang lahat ay may dalawang sundalo ang dumating at inutos na itigil ang pagtatanghal sa kadahilanang hindi daw makatulog sa ingay ang alperes at ang senyora.
Nagkagulo naman ang lahat ng hindi pagbigyan ni Don Filipo ang utos ng dalawang sundalo. Galit na galit ang mga tao dahil sa pagpapahinto ng tanghalan.
Pinagbabato ng mga lalaki ang dalawang sundalo at pinalibutan naman ito ng mga kwardriyerong may hawak na espada.
Muling bumalik si Ibarra at agad na hinanap si Maria Clara. Humingi ng tulong si Don Filipo kay Ibarra na patigilin ang kaguluhan ng lahat ngunit hindi ito kaya ng binata dahil sa sobrang dami ng tao.
Mabuti nalang at naroroon si Elias sa lugar nang mangyari ang gulo. Humingi ng tulong ang binata kay Elias. Ilang saglit pa’y unti-unting naging bulungan ang malakas na sigawan ng mga tao.
Habang nagkakagulo naman ang lahat ay naroon si Padre Salvi sa itaas ng kumbento na nagmamasid sa lahat ng tao. Napansin niyang wala si Maria Clara doon kaya naisip nitong baka itinanan na siya ni Ibarra.
Mabilis na nagbihis ang pari at lumabas ng kumbento. Nagtungo ito sa plasa upang hanapin ang dalaga ngunit wala ito doon. Sunod namang nagpunta ang pari sa bahay ni Kapitan Tiago at doon ay natagpuan ang dalaga na nakahiga sa kanyang silid.

Talasalitaan:

  • Hudyat – signal
  • Maralita – dukha, mahirap
  • Alkalde – mayor
  • Matamlay – mahinang mahina
  • Abuloy – pagbibigay sa nangangailangan
  • Kumbento– simbahan

Kabanata 41: Dalawang Dalaw

Nang gabing iyon ay hindi makatulog si Ibarra kaya inaliw nito ang sarili sa kanyang laboratoryo.
Dahil sa kanyang ginagawa ay di na napansin ng binata ang mabilis na takbo ng oras. Maya-maya ay dumating si Elias upang ibalita na nagkasakit si Maria Clara.
Kinuha na rin ni Ibarra ang pagkakataon upang itanong kay Elias kung paano nito napatigil ang kaguluhang nangyari sa plasa.
Aniya, kilala niya ang magkapatid na nanguna sa kaguluhan dahil minsan na nitong iniligtas ang magkapatid sa pagpaparusa. Kinausap ni Elias ang magkapatid at sila na mismo ang nakiusap sa iba na magsitigil na.
Ilang sandali pa ay umalis na rin si Elias. Nagbihis na rin si Ibarra at nagtungo sa bahay ng dalaga.
Sa kaniyang paglalakad ay may nakasalubong siyang lalaki na may pilat sa kaliwang mukha. Siya si Lucas, kapatid ng taong dilaw. Mangahas na nagtanong si Lucas kung magkano ang danyos na ibibigay ni Ibarra sa pamilya ng taong dilaw.
Pinakiusapan ni Ibarra si Lucas na kakausapin nalang niya ito sa ibang araw dahil may dadalawin pa ito.
Sa sama ng kalooban ni Lucas ay inisip niyang iisang dugo ang dumadaloy sa ugat nina Ibarra at Don Saturnino na nagparusa naman kaniyang ama. Ani Lucas, magiging magkaibigan lang sila ni Ibarra kung malaking halaga ang ibabayad nito.

Talasalitaan:

  • Inaliw – nilibang
  • Pilat – peklat
  • Mangahas – matapang
  • Danyos – bayad sa nasira

Kabanata 42: Ang Mag-asawang de EspadaƱa

Punong-puno ng pag-aalala ang bahay ni Kapitan Tiago dahil sa may sakit na si Maria Clara. Nagtanong naman si Kapitan Tiago kay Tiya Isabel kung kanino ito magbibigay ng limos upang mabilis na gumaling ang dalaga, sa krus ng Tunasan o sa krus ng Matahong.
Naisip ng mga ito na mas magiging mabilis ang paggaling ni Maria Clara kung parehas itong bibigyan ng limos.
Nasa silid ang magpinsang Sinang at Victoria na silang nagbabantay sa may sakit. Habang si Andeng naman ay nagpupunas ng kubyertos.
Ilang sandali pa ay dumating si Don Tiburcio de EspadaƱa kasama ang asawa nitong si Donya Victorina de los Reyes de EspadaƱa at si Linares na inaanak ng isang kamag-anak ni Padre Damaso.
Ipinaakyat ni Tiya Isabel ang mga bagahe sa kanilang katulong habang sinamahan naman ni Kapitan Tiago ang tatlo sa kani-kanilang silid.
Si Donya Victorina ay apatnapu’t limang taong gulang na ngunit ipinapamalita niyang siya’y tatlumpu’t dalawang taong gulang lamang. Pangarap niya ang makapangasawa ng taga-ibang bansa ngunit wala sa mga ito ang nagkakagusto sa kanya.
Hindi na ito nagdalawang-isip na magpakasal kay Don Tiburcio na bagamat patpatin at pilay ay makikitaan naman ng pagiging isang tunay na Espanyol.
Si Don Tiburcio naman ay dating namamasukan bilang katulong sa ospital ng Espanya. Sapilitan itong namasukan sa barkong Salvador na nag-iikot sa Asya. Dahil sa ito’y napilay sa pagtulong sa nabigasyon at naging masasakitin ay pinababa na ito ng barko ng dumaan sa Pilipinas.
Nang wala nang tumutulong na kababayan ay pinayuhan itong magpanggap bilang isang doktor. Sa simula ay maliit palang ang singil nito sa mga pasyente niya ngunit dahil gumaling ang mga nireresetahan ay nagtaas na din ito ng singil.
Hindi lingid sa kanya may isang Kastilang manggagamot ang nakaalam sa pagpapanggap nito. Dahil dito ay nawalan siya ng pasyente at nagdesisyong bumalik nalang sa panlilimos ngunit napangasawa naman nito si Donya Victorina.
Binihisan ng Donya si Don Tiburcio upang magmukhang kagalang-galang sa harap ng marami. Marami naman ang natawa nang gustuhin ng Donya na tawagin din siyang doktora. Sila ay ang mag-asawang doktor na wala namang diploma.
Inakala ng Donya na siya ay buntis matapos ang ilang buwang pagsasama ng dalawa. Pinangarap ni Donya Victorina na sa Espanya manganak. Nakasakay na sa barko si Linares nang malaman na hindi pala ito nagbubuntis at namimilog lang ang katawan dahil sa katabaan.
Habang nakain ng meryenda ang tatlo sa bahay ni Kapitan Tiago ay dumating si Padre Salvi. Ipinakilala ng mag-asawa sa pari si Linares.
Makikita sa itsura ng Donya ang pagkamangha nang banggitin ni Kapitan Tiago na tumuloy ang Kapitan Heneral sa bahay nito. Matapos ang pag-uusap ay pumunta sila sa silid ni Maria Clara.
Malakas ang tiwala ni Don Tiburcio na mapapagaling niya ang dalaga. Kinuha rin ng donya ang pagkakataon na mapakilala kay Linares si Maria Clara.
Nabighani naman si Linares sa taglay na kagandahan ng dalaga. Ilang minuto pa ay dumating si Padre Damaso na mamulamula at malungkot.

Talasalitaan:

  • Limos – paghingi
  • Kubyertos – gamit sa pagkain
  • Nabigasyon – paglalakbay
  • Singil – bayad
  • Nabighani – nahulog

Kabanata 43: Mga Plano

Pumasok si Padre Damaso sa silid ni Maria Clara. Nang magising ang dalaga ay di niya akalain na makikita niya ang pari na luhaan.
Nagtaka naman ang ilan dahil sa kabila ng kapangitan ng ugali ay marunong pala itong umiyak. Pumunta si Padre Damaso sa balkonahe at doon nag-iiyak.
Nang mapag-isip-isip na baka may nakakakita sa kanya ay bumaba na rin ito at nakasalubong si Donya Victorin kasama si Linares.
Nagpakilala si Linares sa pari bilang inaanak ng kapatid nito. Nagulat naman si Linares nang yakapin ito ng mahigpit ng pari.
May iniabot si Linares na liham sa pari na nagsasabing naghahanap ito ng trabaho at mapapangasawa. Ayon sa pari madali lang ito makakahanap ng trabaho dahil ito ay nagtapos ng abugasya. Kakausapin naman nila si Kapitan Tiago para sa usaping mapapangasawa. Ito naman ay dinamdam ni Padre Salvi.
Samantala, tumungo naman si Lucas kay Padre Salvi upang mabigyan ng aksyon ang pagkamatay ng kapatid nito. Umarte ito sa harap ng pari upang mas lalong maging kaawa-awa ang itsura.
Aniya limang-daang piso lang ang natanggap nitong danyos mula kay Ibarra. Nagalit ang pari sa kaartehan na ipinakita ni Lucas at inutusan itong lumayas.

Talasalitaan:

  • Luhaan – umiiyak
  • Balkonahe – bahagi ng bahay na nagsisilbing pahingahan
  • Liham – sulat
  • Abugasya – pagaaral para maging abogado
  • Danyos – bayad sa nasira
  • Lumayas – umalis

Kabanata 44: Pagsusuri ng Budhi

Nabinat si Maria Clara matapos itong mangumpisal. Dahil sa taas ng lagnat ay nababanggit pa nito ang kanyang ina tuwing gabi.
Patuloy naman siyang inaalagaan ni Tiya Isabel at ng kaniyang mga kaibigan. Inihandog ni Kapitan Tiago sa Birhen ang kanyang gintong baston. Ikinagulat ng lahat nang mapansing bumaba ang lagnat ng dalaga.
Naging paksa sa usapan nina Padre Salvi, kapitan Tiago, at mag-asawang de EspadaƱa ang pagpapalipat kay Padre Damaso ng ibang destino. Ikakalungkot ni Maria Clara ang pagkalipat ni Padre Damaso dahil tinuring na rin niyang ama ang pari.
Para kay Padre Salvi ang hindi pagkikita ni Maria Clara at Ibarra ang dahilan ng mabilis na paggaling nito. Ngunit para naman kay Donya Victorina ang pagpapagaling ng kanyang asawa ang dahilan nito.
Nalaman ni Maria Clara sa kaibigang si Sinang na hindi pa makasulat si Ibarra dahil abala pa ito sa pagpapawalang bisa sa pagiging ekskomunikado. Nahinto ang usapan ng dumating si Tiya Isabel upang ihanda si Maria Clara sa kanyang pangungumpisal.
Nang palabas na sina Sinang at Victoria, ibinulong ni Maria Clara kay Sinang na ipakisabi raw nito kay Ibarra na limutin na siya.
Nagsimula na ang pangungumpisal ni Maria Clara kay Padre Salvi. Napansin ni Tiya Isabel na hindi nito pinapakinggan ang kumpisal ng dalaga sa halip ay nakatitig lang ito.

Talasalitaan:

  • Nabinat – pagbalik ng sakit
  • Kumpisal – pagpapahayag
  • Destino – mailagay o ilipat
  • Napawalang bisa – napawalang sala
  • Ekskomunikado – bawal tanggapin ng simbahan habang nabububay

Kabanata 45: Ang mga Pinag-uusig

Narating ni Elias ang isang lugar na napapaligiran ng malalaking batong buhay na natatakpan ng mga sanga ng punongkahoy. Doon ay nagkita sila ni Kapitan Pablo.
Anim na buwan na ang nakalipas nung huli silang nagkita. Ikinalungkot ni Elias nang malamang naninirahan ang kapitan sa madilim na lugar.
Malapit si Elias kay Kapitan Pablo at itinuring na ito bilang ama. Pareho nang walang kasama sa buhay ang dalawa kung kaya’t iminungkahi ni Elias kay Kapitan Pablo na sumama na ito sa lupain ng mga katutubo upang mamuhay ng payapa at malayo sa malimuot na ala-ala ng kanyang pamilya.
Ngunit sa kagustuhan ng kapitan na maipaghiganti ang mga anak sa ginawa ng mga dayuhan ay tumanggi ito. Makakamit lang niya ang katahimikang sinasabi ni Elias kung mabibigyan ng katarungan ang kaawa-awang sinapit ng kaniyang pamilya.
Si Kapitan Pablo ay may tatlong anak, dalawang lalaki at isang babae. Pinagsamantalahan ang kanyang anak na babae ng isang alagad ng simbahan at napagbintangan naman ang kanyang anak na lalaki na nagnakaw nang magtangkang pumunta sa kumbento upang mag-imbestiga sa nangyari sa kapatid na babae.
Bagamat hindi napatunayang may sala ay hinuli parin ang anak na lalaki at nakaranas ng hirap sa kamay ng mga awtoridad.
Pinili namang manahimik ni Kapitan Pablo sa kabila ng pagpapahirap sa mga anak dahil sa takot nito sa kura na hindi man lang naparusahan bagkus ay nadestino lang sa ibang lugar.
Habang ang isa pang anak na lalaki ay nagpakamatay dahil sa hindi nito kinaya ang pagpapahirap ng mga gwardiya sibil nang pinaghinalaang maghihiganti matapos hindi madala ang kanyang sedula.
Plano ni Kapitan Pablo na lumusob sa bayan sa tamang oras kasama ang iba pang pinag-uusig ng pamahalaan dahil wala paring mas mahalaga sa kaniya kundi ang makapaghiganti. Nauunawaan ni Elias ang saloobin ng kapitan dahil minsan na rin niyang inisip na maghiganti ngunit sa takot na baka may madamay pang iba ay kinalimutan nalang ang hangarin na ito.
Isinalaysay din ni Elias ang kaibigan niyang si Ibarra. Maaari itong makatulong upang ipaabot sa Heneral ang hinaing ng buong bayan.
Ipinangako ni Elias kay Kapitan Pablo na kukumbinsihin niya si Ibarra upang tumulong. Kung sumang-ayon man ang binata ay makakamit nila ang katarungang hinahanap ngunit kung hindi naman ay nangako si Elias na aanib ito sa kapitan.

Talasalitaan:

  • Napapaligiran – napapalibutan
  • Iminungkahi – inilahad
  • Masalimuot – mahirap, magulo
  • Sinapit – dinanas
  • Kumbento – simbahan
  • Kura – pari
  • Lumusob – sumugod
  • Pinag-uusig – pinaghahanap
  • Hinaing – hinanakit, reklamo
  • Aanib – sasapi

Kabanata 46: Ang Sabungan

Tuwing araw ng linggo, kung marami ang napunta sa simbahan ay marami din ang nasa sabungan. Dito nagkikita ang mayayamang handang magpatalo ng malaking puhunan at mahihirap na nakikipagsapalaran.
Para sa pamahalaan, hindi mahalaga kung sino ang nananalo dahil ang importante ay ang makokolektang buwis mula sa tao na gagamitin daw sa pagpapatayo ng kalsada at tulay at itutustos sa pagpapaunlad ng agrikultura.
Nahahati ang sabungan sa tatlong bahagi. Malapit sa pasukan ang unang hati kung saan nakapwesto ang mga tindera ng kakanin, nganga, at sigarilyo. Sa ikalawang bahagi naman ng sabungan ay makikita ang pagsasama-sama ng mga sabungero bago magsimula ang aktwal na paglalaban ng manok. Sa ikatlo at huling bahagi ng sabungan nakapwesto ang mga may mataas na posisyon na silang humahatol.
Naroroon din sina Kapitan Tiago, Kapitan Basilio, at Lucas sa sabungan ng araw na iyon. Isang malaki at putting lasak ang dalang manok ng tauhan ni Kapitan Tiago samantalang isang bulik na manok naman ang dala ni Kapitan Basilio.
Nagkasundo ang dalawa na paglabanin ang mga dalang manok sa halagang tatlong daang piso. Lumalabas na liamado ang puti at dehado ang pula. Kung marami ang pumupusta, marami din naman ang nanonood lang dahil wala naman silang pera.
Kabilang ang magkapatid na sina Tarsilo at Bruno sa mga nagmamasid lang. Lumapit ang dalawa kay Lucas upang makahiram ng pera na gagamitin sa pangtaya ngunit may kondisyon si Lucas.
Papahiramin ni Lucas ang dalawang magkapatid ng pera kung papayag ang mga itong sumama sa paglusob sa kwartel. Dagdag pa ni Lucas ay mas malaking pera ang makukuha nila kung makakapag-akay pa sila ng madami.
Dahil kakilala ng dalawa si Ibarra ay hindi ito agad napapayag ngunit dahil sa hindi nakatiis ang magkapatid ay pumayag na din ang mga ito.
Sinabi ni Lucas na bukas na dadating ang mga sandatang gagamitin sa pagsugod. Nagpatuloy sa panonood ng sabong ang lahat matapos ang pakikipagsunduan na naganap.

Talasalitaan:

  • Buwis – bahagi ng kinikita o bayad ng mga mamamayan na napupunta sa pamahalaan
  • Humahatol – nagdedesisyon
  • Lasak – kulay itim at puting manok
  • Bulik – batik batik na manok
  • Liamado – lamang
  • Dehado – lugi, talo
  • Nagmamasid – nanonood, nagtitingin tingin
  • Kwartel – tirahan ng mga sundalo
  • Makakapag-akay – makakapagsama

Kabanata 47: Ang Dalawang Senyora

Habang abala ang iba sa sabungan, namamasyal naman ang mag-asawang Don Tiburcio at Donya Victorina sa kabayanan upang makita kung paano mag-ayos ng bahay at mag-alaga ng bukid ang mga Indio.
Nagagalit ang Donya sa tuwing hindi ito ginagalang ng mga makakasalubong. Inutusan niya ang asawa na paluin ng baston ang mga hindi magbibigay ng galang ngunit tumanggi naman si Don Tiburcio dahil ito ay may kapansanan.
Nang mapadaan ang mag-asawa sa bahay ng alperes ay nagtama ang mga mata nina Donya Victorina at Donya Consolacion na saktong nakadungaw sa kanilang bintana. Makikita ang matalim na titigan ng dalawa.
Mula sa bintana ay dumura si Donya Consolacion na mas lalong ikinainis ni Donya Victorina. Binitiwan ni Donya Victorina ang asawa na kamuntikan ng sumubsob sa kalsada at sinugod si Donya Consolacion.
Doon ay walang tigil na nag-alipustahan ang dalawa.

Talasalitaan:

  • Baston – tungkod
  • Alperes – opisyal ng militar
  • Matalim – matalas
  • Masubsob – madapa
  • Nag-alipustahan – nagbangayan, nagsagutan

Kabanata 48: Ang Palaisipan

Dumating si Ibarra sa tirahan ni Kapitan Tiago kinabukan upang dalawin si Maria Clara dala-dala ang balitang napawalang bisa na ang kanyang pagiging ekskumunikado at ang liham para sa kura paroko na nagpapatunay na muli siyang tinatanggap ng Simbahang Katoliko.
Tuwang-tuwa na nagsisigaw si Tiya Isabel habang tinatawag si Maria Clara. Tumingala si Ibarra sa balkonahe at napangiti nang makitang tumindig ang dalaga. Ngunit mabilis na binawi ang ngiti ng binata nang makitang may dala-dalang pumpon ng mga rosas ang dalaga.
Nang umakyat si Ibarra sa balkonahe ay nakita niya ang panauhin ni Maria Clara na si Linares. Tinignan ni Ibarra si Linares mula ulo hanggang paa. Dahil sa gulat at lungkot na naramdaman ng binata ay nagpaalam na din ito sa dalaga at sinabing dadalaw nalang sa ibang araw.
Umalis si Ibarrang mabigat ang loob at piniling puntahan ang pagtatayuan ng paaralan upang doon magpalipas ng sama ng loob. Naabutan niya don si Nol Juan na nag-uutos sa mga manggagawa. Ipinakita ni Nol Juan kay Ibarra ang mga natapos nang gawain.
Ipinaalam din ni Ibarra kay Nol Juan na wala nang bisa ang pagiging ekskomunikado nito. Maya-maya pa’y nakita ni Ibarra si Elias na paparating bitbit-bitbit ang mga sako ng simyento.
Inutusan ni Ibarra si Nol Juan na kuhanin ang listahan ng mga trabahador. Sinamantala naman ni Ibarra ang pag-alis ni Nol Juan at ito’y lumapit kay Elias.
Sinabi ni Elias kay Ibarra na magkita sila sa bangka nito sa may tabi ng lawa paglubog ng araw dahil may mahalaga itong sasabihin.
Dali-daling umalis si Elias nang pabalik na si Nol Juan. Paulit-ulit na binasa ni Ibarra ang listahan ng mga trabahador ngunit hindi niya nakita sa listahan si Elias.

Talasalitaan:

  • Ekskumonikado – bawal tanggapin ng simbahan habang nabubuhay
  • Liham – sulat
  • Kura paroko – mataas na pari
  • Balkonahe – bahagi ng bahay na nagsisilbing pahingahan
  • Tumindig – tumayo
  • Pumpon – tumpok

Kabanata 49: Ang Hinaing ng mga Inuusig

Papalubog na ang araw nang dumating si Ibarra sa tabi ng lawa. Doon ay nakita niya si Elias na nakasakay sa nakahintong bangka.
Nang makasakay na ang binata ay nagsimula nang sumagwan si Elias. Humingi ito ng paumanhin dahil sa gitna ng lawa lang sila mag-uusap dahil mas tahimik doon at paniguradong walang makakarinig sa kanilang pag-uusapan.
Ipinaliwang ni Elias ang dahilan ng kanilang pag-uusap. Aniya inutusan siyang magdala ng mga hinaing ng mga api. Ilan sa mga ito ay respeto sa dignidad ng tao, seguridad sa bawat isa, at pang-unawa ng militar sa pagbawi sa mga pribilehiyo.
Handa si Ibarra na sumuporta sa adhikain ng mga naaapi sa pamamagitan ng pagbibigay ng pera at paghingi ng tulong mula sa mga kaibigan nito sa Madrid at pati sa Kapitan Heneral. Ngunit nababahala ito na sa halip makatulong ay baka mas lalo pang makasama ang kanilang balak.
Bagamat ramdam ni Ibarra ang matinding hinaing ni Elias ay hindi parin ito napapayag sa bandang huli. Sinabi nitong ibabalita nalang niya sa mga api na hindi pumayag ang binata sa halip ay umasa nalang sa Diyos.

Talasalitaan:

  • Hinaing – reklamo, hinanakit
  • Api – inaaway
  • Pribilehiyo – espesyal na karapatan, bentahe, o kung ano pang importanteng bagay na nakukuha lamang ng illan at hindi lahat ng tao
  • Adhikain – layunin

Kabanata 50: Mga Kamag-anak ni Elias

Animnapung taon na ang nakalipas nang mamasukan ang lolo ni Elias bilang tagasuri sa opisina ng isang mangangalakal na Kastila. Nang masunog ang nasabing tanggapan ay inihabla ito nang may-ari.
Dahil sa walang kakayanang kumuha ng magaling na abogado ay masaklap na parusa ang pinataw dito. Itinali ito sa kabayo at kinaladkad hanggang sa maging duguan ang buong katawan. Walang ibang naglakas tumulong dito kundi ang luhaang asawa lamang.
Napilitang manlimos ang kanyang lola para may pambili ng gamot ng asawa at para may ipakain sa nag-iisang anak na lalaki.
Sa kagustuhang lumayo sa lipunang nagbibigay ng lungkot sa kanila ay namundok sila. Ngunit dahil sa pagod at kalungkutan ay nakunan ang noo’y nagdadalang-tao na lola niya. Dahil sa patong-patong na problema ay nagbigti naman ang lolo niya.
Nabulok ang bangkay ng lolo ni Elias at nasakdal naman ang lola sa salang kapabayaan. Kung sinu-sinong lalaki din ang kinasama nito. Makalipas ang ilang buwan ay muling nabuksan ang kaso ng lola ni Elias.
Sa takot na makulong ay itinakbo niya ang dalawang anak na lalaki sa kalapit na lalawigan. Pinalaki niya ang dalawang magkapatid. Naging bandido ang nakakatandang anak na tinawag na Balat habang ang isa naman ay nangako sa sariling aalagaan ang ina.
Patuloy na namuhay ang lola ni Elias at ang nakakabatang anak nito sa gubat. Sa kasamaang palad ay nahuli ng gwardiya sibil si Balat. Patung-patong na krimen ang nagawa nito kung kaya’t masaklap na paghuhusga ang ginawa sa kanya.
Isang umaga ay nakita nalang ng mga tao ang bangkay ng lola nito. Natagpuan ito sa ilalim ng puno ng bulak. Ikinagulat naman ng bunsong anak nang makita ang duguang ulo ng kapatid na nakasabit sa sanga ng puno.
Matapos maipalibing ng bunsong anak ang bangkay ng kapatid at ina ay nagpakalayu-layo ito. Maraming narating hanggang sa mapilitang maglingkod sa mayamang mangangalakal na may malaking kapital sa lalawigan ng Tayabas.
Paglaon ay unti-unting nakaipon ng salapi at napaunlad ang sarili. Nakakilala siya ng isang dalaga na may mahigpit na magulang. Nang minsang may mangyari sa kanila ay nangako naman na ito’y papanindigan.
Ngunit imbes na makasal ay pinakulong ito ng magulang ng babae. Nagkaroon ng bunga ang pagmamahalan ng dalawa. Nanganak ang babae ng kambal, isang babae at isang lalaki. ito ay si Elias at Concordia.
Lumaki ang kambal na ang alam nila ay patay na ang kanilang ama. Musmos palang ay namatay naman ang kanilang ina.
Nag-aral si Elias sa mga Heswitas dahil may kaya naman ang lolo nito. Ngunit agad naman itong umuwi kasama ang kambal niya nang mamatay ang lolo upang asikasuhin ang kanilang kabuhayan.
Si Concordia naman ay nakatakdang ikasal ngunit ito ay hindi natuloy dahil sa nalaman ang nakaraan nito. Nalungkot si Concordia sa balitang ikinasal na sa iba ang kanyang kasintahan. Nawala nalang ito ng bigla isang araw.
Pagkatapos ng anim na buwan ay may nabalitaan si Elias na may natagpuang bangkay ng isang babae na may tarak sa dibdib. Ito nga ang kapatid niyang si Concordia.
Magmula noon ay nagsimulang gumala-gala si Elias sa iba’t-ibang lugar dahil sa mga bintang na hindi naman niya ginawa.

Talasalitaan:

  • Tagasuri – tagatingin
  • Ipinataw – ipinatong
  • Nasakdal – suspek
  • Bandido – tulisan, may nalabag na batas
  • Masaklap – hindi kanais-nais
  • Paglaon – lumipas
  • Musmos – bata