Martes, Abril 7, 2020

NOLI ME TANGERE (Kabanata 38 - 50)

Kabanata 38: Ang Prusisyon

Kinagabihan, nagsimula na ang sunod-sunod na ingay ng mga paputok at sinabayan pa ito ng pagkalembang ng kampana.
Itinayo sa tapat ng bahay ng alperes ang isang kubo kung saan gaganapin ang pabasa sa banal na patron. Nag-inspeksyon din ang kapitan sa buong bayan kasa-kasama sina Ibarra, Kapitan Tiago, at ang alperes.
Ayaw sanang sumama ni Ibarra sa paglilibot dahil mas gusto niyang panoorin ang prusisyon mula sa balkonahe nina Maria Clara ngunit nahihiya naman itong tumanggi sa paanyaya ng Kapitan Heneral.
Tatlong sakristan ang nangunguna sa prusisyon na sinundan naman ng mga estudyante at mga guro. Kasama rin sa pila ang mga batang may hawak na makukulay na parol.
Palakad-lakad ang mga gwardiya sibil habang mahigpit na nagmamasid sa paligid upang mapanatili ang kaayusan ng prusisyon.
Habang nakikita naman ni Pilosopo Tasyo ang mga paputok, bulaklak, parol, at mga kandila na siyang nagpapaganda sa paligid ay bubulong-bulong ito. Aniya hindi mahalaga kung ano ang dinadamit mo o kung ano ang mga nakadisenyo sa paligid. Ang mahalaga ay ang mabuting gawa hindi lamang garbo ng mga salita.
Isang batang lalaki na may pakpak ang lumabas sa entablado upang pasimulan ang ang pabasa. Muling nagpatuloy sa pagtugtog ang banda at paglakad ng prusisyon.
Nang mapatapat ang karosa ng Birhen sa harap ng bahay ni Kapitan Tiago ay may narinig sila na isang mala-anghel na tinig. Boses iyon ni Maria Clara na umaawit ng Ave Maria habang tumutugtog ng pyano.
Ramdam na ramdam ang kalungkutan ng dalaga sa kanyang pag-awit. Dinig na dinig din ni Ibarra ang awit ni Maria Clara na puno ng lungkot at pait.
Hindi napansin ni Ibarra na pinagmamasdan pala siya ng Kapitan Heneral. Niyaya ng Heneral si Ibarra sa hapagkainan at pinag-usapan nila ang dalawang batang nawawala na sina Crispin at Basilio.

Talasalitaan:

  • Pagkalembang – pagtunog
  • Alperes – batang opisyal ng militar
  • Prusisyon – parada
  • Garbo – maganda, magara
  • Karosa – karwahe

Kabanata 39: Si Donya Consolacion

Sa pagdaraanan ng prusisyon tanging ang tinitirahan lang ng alperes at ang kaniyang esposa ang nakasara ang bintana. Wala ding kandilang nakasindi sa bahay.
Hindi lingid sa nakakarami, mahigpit na ipinag-uutos ng alperes sa kanyang esposa na huwag itong lalabas. Takot ang puno ng mga gwardiya sibil na makita at maamoy ng Kapitan Heneral ang di kaaya-ayang amoy ng Donya.
Siya si Donya Consolacion. Wala namang pakialam ang Donya sa kung ano ang sasabihin ng iba. Kahit laging usap-usapan ang tuyot na tabako na laging nakasalampak sa labi niya; kahit laman ng tsismis ang buhol-buhol niyang mga buhok at ang napakaingay na bibig naniniwala pa din siya na siya ang pinakamaganda.
Ang mahalaga kay Donya Consolacion ay siya ang reyna ng mga gwardiya sibil at senyora ng mga utusan at asawa ng alperes.
Narinig ni Donya Consolacion ang awit ni Sisa na nasa kulungan. Inutusan ng Donya ang gwardiya sibil na papanhikin ang umaawit.
Inutusan niya si Sisa na muling kumanta ngunit hindi agad ito sumunod dahilan kung kaya ang lahat ng galit niya sa asawa ay ibinuhos niya sa kaawa-awang si Sisa.
Sa inis ng Donya ay inutusan niya ang gwardiya sibil na pakantahin si Sisa. Sinunod naman ito at umawit ng isang malungkot na awit ng pag-ibig.
Sa simula ng pagkanta ay pinagtawanan lamang ito ng Donya subalit ito ay unti-unting nawala. Naging seryoso siya sa pakikinig at nakangangang pinagmamasdan ang umaawit.
Pinahinto ng Donya si Sisa sa pag-awit at palihim namang napangiti ang katulong nang malamang marunong palang magsalita ang Donya ng Filipino.
Muli niyang inutusan si Sisa na sumayaw ngunit hindi ito sumunod. Nagalit muli ang Donya at pinaglalatigo si Sisa. Dahil sa pangyayaring ito ay nahubaran ng damit si Sisa at nagdugo ang kanyang mga sugat.
Nagalit ang alperes nang makita ang pangyayaring ito. Inutusan ng alperes ang isang kawal na damitan, pakainin, at gamutin ang mga sugat nito dahil bukas ay ihahatid si Sisa kay Ibarra.

Talasalitaan:

  • Alperes – batang opisyal ng militar
  • Esposa – asawang babae
  • Papanhikin – umakyat, sumampa, bumisita
  • Pinahinto – pinatigil

Kabanata 40: Ang Karapatan at Lakas

Alas-dyes ng gabi nang sinimulang paputukin ang mga huling kwitis hudyat ng pagsisimula ng dula. Karamihan sa mga tao ay papunta na upang manood ng nasabing pagtatanghal.
Sa unang hanay nakaupo ang mga sikat na tao sa bayan katulad ng mga Kastila at opisyal ng bayan. Samantala ang mga hindi nabanggit ay nakaupo sa likuran. Ang mga maralita naman ay makakatayo lamang sa mga upuang dala-dala nila.
Pinamumunuan ni Don Filipo ang dula dahil abala sa pagsusugal ang alkalde ng mga gabing iyon. Nagdatingan na ang iba pang mga panauhin katulad ni Maria Clara kasama ang kanyang mga kaibigan, si Padre Damaso, si Padre Salvi, at ilang Kastilang panauhin.
Maya-maya pa ay sinimulan na ang palabas sa pag-awit nina Chananay at Marianito. Habang abala sa panonood ang lahat napansin naman ni Padre Damaso ang noo’y matamlay at may dinaramdam na si Maria Clara.
Nasa ikalawang bahagi na ng dula nang dumating si Crisostomo Ibarra. Napabuntong hininga si Padre Damaso nang makita niyang nakatingin ang lahat sa dumating na binata.
Hindi naman ito pinansin ni Ibarra at agad na tumabi kay Maria Clara. Nang nakita ni Padre Damaso na masayang nag-uusap ang magkasintahan, agad itong tumungo at nakipagkomprontasyon kay Don Filipo.
Ngunit isa si Ibarra sa may pinakamalaking abuloy kung kaya’t hindi niya ito maaaring paalisin. Dahil hindi napaalis si Ibarra, si Padre Damaso na lang ang umalis kasama ng ibang pari.
Ilang sandali pa’y umalis na din si Ibarra sa dula dahil sa kahihiyan nito. Aniya meron pa siyang ibang lalakarin sa araw na iyon.
Habang nanonood ang lahat ay may dalawang sundalo ang dumating at inutos na itigil ang pagtatanghal sa kadahilanang hindi daw makatulog sa ingay ang alperes at ang senyora.
Nagkagulo naman ang lahat ng hindi pagbigyan ni Don Filipo ang utos ng dalawang sundalo. Galit na galit ang mga tao dahil sa pagpapahinto ng tanghalan.
Pinagbabato ng mga lalaki ang dalawang sundalo at pinalibutan naman ito ng mga kwardriyerong may hawak na espada.
Muling bumalik si Ibarra at agad na hinanap si Maria Clara. Humingi ng tulong si Don Filipo kay Ibarra na patigilin ang kaguluhan ng lahat ngunit hindi ito kaya ng binata dahil sa sobrang dami ng tao.
Mabuti nalang at naroroon si Elias sa lugar nang mangyari ang gulo. Humingi ng tulong ang binata kay Elias. Ilang saglit pa’y unti-unting naging bulungan ang malakas na sigawan ng mga tao.
Habang nagkakagulo naman ang lahat ay naroon si Padre Salvi sa itaas ng kumbento na nagmamasid sa lahat ng tao. Napansin niyang wala si Maria Clara doon kaya naisip nitong baka itinanan na siya ni Ibarra.
Mabilis na nagbihis ang pari at lumabas ng kumbento. Nagtungo ito sa plasa upang hanapin ang dalaga ngunit wala ito doon. Sunod namang nagpunta ang pari sa bahay ni Kapitan Tiago at doon ay natagpuan ang dalaga na nakahiga sa kanyang silid.

Talasalitaan:

  • Hudyat – signal
  • Maralita – dukha, mahirap
  • Alkalde – mayor
  • Matamlay – mahinang mahina
  • Abuloy – pagbibigay sa nangangailangan
  • Kumbento– simbahan

Kabanata 41: Dalawang Dalaw

Nang gabing iyon ay hindi makatulog si Ibarra kaya inaliw nito ang sarili sa kanyang laboratoryo.
Dahil sa kanyang ginagawa ay di na napansin ng binata ang mabilis na takbo ng oras. Maya-maya ay dumating si Elias upang ibalita na nagkasakit si Maria Clara.
Kinuha na rin ni Ibarra ang pagkakataon upang itanong kay Elias kung paano nito napatigil ang kaguluhang nangyari sa plasa.
Aniya, kilala niya ang magkapatid na nanguna sa kaguluhan dahil minsan na nitong iniligtas ang magkapatid sa pagpaparusa. Kinausap ni Elias ang magkapatid at sila na mismo ang nakiusap sa iba na magsitigil na.
Ilang sandali pa ay umalis na rin si Elias. Nagbihis na rin si Ibarra at nagtungo sa bahay ng dalaga.
Sa kaniyang paglalakad ay may nakasalubong siyang lalaki na may pilat sa kaliwang mukha. Siya si Lucas, kapatid ng taong dilaw. Mangahas na nagtanong si Lucas kung magkano ang danyos na ibibigay ni Ibarra sa pamilya ng taong dilaw.
Pinakiusapan ni Ibarra si Lucas na kakausapin nalang niya ito sa ibang araw dahil may dadalawin pa ito.
Sa sama ng kalooban ni Lucas ay inisip niyang iisang dugo ang dumadaloy sa ugat nina Ibarra at Don Saturnino na nagparusa naman kaniyang ama. Ani Lucas, magiging magkaibigan lang sila ni Ibarra kung malaking halaga ang ibabayad nito.

Talasalitaan:

  • Inaliw – nilibang
  • Pilat – peklat
  • Mangahas – matapang
  • Danyos – bayad sa nasira

Kabanata 42: Ang Mag-asawang de Espadaña

Punong-puno ng pag-aalala ang bahay ni Kapitan Tiago dahil sa may sakit na si Maria Clara. Nagtanong naman si Kapitan Tiago kay Tiya Isabel kung kanino ito magbibigay ng limos upang mabilis na gumaling ang dalaga, sa krus ng Tunasan o sa krus ng Matahong.
Naisip ng mga ito na mas magiging mabilis ang paggaling ni Maria Clara kung parehas itong bibigyan ng limos.
Nasa silid ang magpinsang Sinang at Victoria na silang nagbabantay sa may sakit. Habang si Andeng naman ay nagpupunas ng kubyertos.
Ilang sandali pa ay dumating si Don Tiburcio de Espadaña kasama ang asawa nitong si Donya Victorina de los Reyes de Espadaña at si Linares na inaanak ng isang kamag-anak ni Padre Damaso.
Ipinaakyat ni Tiya Isabel ang mga bagahe sa kanilang katulong habang sinamahan naman ni Kapitan Tiago ang tatlo sa kani-kanilang silid.
Si Donya Victorina ay apatnapu’t limang taong gulang na ngunit ipinapamalita niyang siya’y tatlumpu’t dalawang taong gulang lamang. Pangarap niya ang makapangasawa ng taga-ibang bansa ngunit wala sa mga ito ang nagkakagusto sa kanya.
Hindi na ito nagdalawang-isip na magpakasal kay Don Tiburcio na bagamat patpatin at pilay ay makikitaan naman ng pagiging isang tunay na Espanyol.
Si Don Tiburcio naman ay dating namamasukan bilang katulong sa ospital ng Espanya. Sapilitan itong namasukan sa barkong Salvador na nag-iikot sa Asya. Dahil sa ito’y napilay sa pagtulong sa nabigasyon at naging masasakitin ay pinababa na ito ng barko ng dumaan sa Pilipinas.
Nang wala nang tumutulong na kababayan ay pinayuhan itong magpanggap bilang isang doktor. Sa simula ay maliit palang ang singil nito sa mga pasyente niya ngunit dahil gumaling ang mga nireresetahan ay nagtaas na din ito ng singil.
Hindi lingid sa kanya may isang Kastilang manggagamot ang nakaalam sa pagpapanggap nito. Dahil dito ay nawalan siya ng pasyente at nagdesisyong bumalik nalang sa panlilimos ngunit napangasawa naman nito si Donya Victorina.
Binihisan ng Donya si Don Tiburcio upang magmukhang kagalang-galang sa harap ng marami. Marami naman ang natawa nang gustuhin ng Donya na tawagin din siyang doktora. Sila ay ang mag-asawang doktor na wala namang diploma.
Inakala ng Donya na siya ay buntis matapos ang ilang buwang pagsasama ng dalawa. Pinangarap ni Donya Victorina na sa Espanya manganak. Nakasakay na sa barko si Linares nang malaman na hindi pala ito nagbubuntis at namimilog lang ang katawan dahil sa katabaan.
Habang nakain ng meryenda ang tatlo sa bahay ni Kapitan Tiago ay dumating si Padre Salvi. Ipinakilala ng mag-asawa sa pari si Linares.
Makikita sa itsura ng Donya ang pagkamangha nang banggitin ni Kapitan Tiago na tumuloy ang Kapitan Heneral sa bahay nito. Matapos ang pag-uusap ay pumunta sila sa silid ni Maria Clara.
Malakas ang tiwala ni Don Tiburcio na mapapagaling niya ang dalaga. Kinuha rin ng donya ang pagkakataon na mapakilala kay Linares si Maria Clara.
Nabighani naman si Linares sa taglay na kagandahan ng dalaga. Ilang minuto pa ay dumating si Padre Damaso na mamulamula at malungkot.

Talasalitaan:

  • Limos – paghingi
  • Kubyertos – gamit sa pagkain
  • Nabigasyon – paglalakbay
  • Singil – bayad
  • Nabighani – nahulog

Kabanata 43: Mga Plano

Pumasok si Padre Damaso sa silid ni Maria Clara. Nang magising ang dalaga ay di niya akalain na makikita niya ang pari na luhaan.
Nagtaka naman ang ilan dahil sa kabila ng kapangitan ng ugali ay marunong pala itong umiyak. Pumunta si Padre Damaso sa balkonahe at doon nag-iiyak.
Nang mapag-isip-isip na baka may nakakakita sa kanya ay bumaba na rin ito at nakasalubong si Donya Victorin kasama si Linares.
Nagpakilala si Linares sa pari bilang inaanak ng kapatid nito. Nagulat naman si Linares nang yakapin ito ng mahigpit ng pari.
May iniabot si Linares na liham sa pari na nagsasabing naghahanap ito ng trabaho at mapapangasawa. Ayon sa pari madali lang ito makakahanap ng trabaho dahil ito ay nagtapos ng abugasya. Kakausapin naman nila si Kapitan Tiago para sa usaping mapapangasawa. Ito naman ay dinamdam ni Padre Salvi.
Samantala, tumungo naman si Lucas kay Padre Salvi upang mabigyan ng aksyon ang pagkamatay ng kapatid nito. Umarte ito sa harap ng pari upang mas lalong maging kaawa-awa ang itsura.
Aniya limang-daang piso lang ang natanggap nitong danyos mula kay Ibarra. Nagalit ang pari sa kaartehan na ipinakita ni Lucas at inutusan itong lumayas.

Talasalitaan:

  • Luhaan – umiiyak
  • Balkonahe – bahagi ng bahay na nagsisilbing pahingahan
  • Liham – sulat
  • Abugasya – pagaaral para maging abogado
  • Danyos – bayad sa nasira
  • Lumayas – umalis

Kabanata 44: Pagsusuri ng Budhi

Nabinat si Maria Clara matapos itong mangumpisal. Dahil sa taas ng lagnat ay nababanggit pa nito ang kanyang ina tuwing gabi.
Patuloy naman siyang inaalagaan ni Tiya Isabel at ng kaniyang mga kaibigan. Inihandog ni Kapitan Tiago sa Birhen ang kanyang gintong baston. Ikinagulat ng lahat nang mapansing bumaba ang lagnat ng dalaga.
Naging paksa sa usapan nina Padre Salvi, kapitan Tiago, at mag-asawang de Espadaña ang pagpapalipat kay Padre Damaso ng ibang destino. Ikakalungkot ni Maria Clara ang pagkalipat ni Padre Damaso dahil tinuring na rin niyang ama ang pari.
Para kay Padre Salvi ang hindi pagkikita ni Maria Clara at Ibarra ang dahilan ng mabilis na paggaling nito. Ngunit para naman kay Donya Victorina ang pagpapagaling ng kanyang asawa ang dahilan nito.
Nalaman ni Maria Clara sa kaibigang si Sinang na hindi pa makasulat si Ibarra dahil abala pa ito sa pagpapawalang bisa sa pagiging ekskomunikado. Nahinto ang usapan ng dumating si Tiya Isabel upang ihanda si Maria Clara sa kanyang pangungumpisal.
Nang palabas na sina Sinang at Victoria, ibinulong ni Maria Clara kay Sinang na ipakisabi raw nito kay Ibarra na limutin na siya.
Nagsimula na ang pangungumpisal ni Maria Clara kay Padre Salvi. Napansin ni Tiya Isabel na hindi nito pinapakinggan ang kumpisal ng dalaga sa halip ay nakatitig lang ito.

Talasalitaan:

  • Nabinat – pagbalik ng sakit
  • Kumpisal – pagpapahayag
  • Destino – mailagay o ilipat
  • Napawalang bisa – napawalang sala
  • Ekskomunikado – bawal tanggapin ng simbahan habang nabububay

Kabanata 45: Ang mga Pinag-uusig

Narating ni Elias ang isang lugar na napapaligiran ng malalaking batong buhay na natatakpan ng mga sanga ng punongkahoy. Doon ay nagkita sila ni Kapitan Pablo.
Anim na buwan na ang nakalipas nung huli silang nagkita. Ikinalungkot ni Elias nang malamang naninirahan ang kapitan sa madilim na lugar.
Malapit si Elias kay Kapitan Pablo at itinuring na ito bilang ama. Pareho nang walang kasama sa buhay ang dalawa kung kaya’t iminungkahi ni Elias kay Kapitan Pablo na sumama na ito sa lupain ng mga katutubo upang mamuhay ng payapa at malayo sa malimuot na ala-ala ng kanyang pamilya.
Ngunit sa kagustuhan ng kapitan na maipaghiganti ang mga anak sa ginawa ng mga dayuhan ay tumanggi ito. Makakamit lang niya ang katahimikang sinasabi ni Elias kung mabibigyan ng katarungan ang kaawa-awang sinapit ng kaniyang pamilya.
Si Kapitan Pablo ay may tatlong anak, dalawang lalaki at isang babae. Pinagsamantalahan ang kanyang anak na babae ng isang alagad ng simbahan at napagbintangan naman ang kanyang anak na lalaki na nagnakaw nang magtangkang pumunta sa kumbento upang mag-imbestiga sa nangyari sa kapatid na babae.
Bagamat hindi napatunayang may sala ay hinuli parin ang anak na lalaki at nakaranas ng hirap sa kamay ng mga awtoridad.
Pinili namang manahimik ni Kapitan Pablo sa kabila ng pagpapahirap sa mga anak dahil sa takot nito sa kura na hindi man lang naparusahan bagkus ay nadestino lang sa ibang lugar.
Habang ang isa pang anak na lalaki ay nagpakamatay dahil sa hindi nito kinaya ang pagpapahirap ng mga gwardiya sibil nang pinaghinalaang maghihiganti matapos hindi madala ang kanyang sedula.
Plano ni Kapitan Pablo na lumusob sa bayan sa tamang oras kasama ang iba pang pinag-uusig ng pamahalaan dahil wala paring mas mahalaga sa kaniya kundi ang makapaghiganti. Nauunawaan ni Elias ang saloobin ng kapitan dahil minsan na rin niyang inisip na maghiganti ngunit sa takot na baka may madamay pang iba ay kinalimutan nalang ang hangarin na ito.
Isinalaysay din ni Elias ang kaibigan niyang si Ibarra. Maaari itong makatulong upang ipaabot sa Heneral ang hinaing ng buong bayan.
Ipinangako ni Elias kay Kapitan Pablo na kukumbinsihin niya si Ibarra upang tumulong. Kung sumang-ayon man ang binata ay makakamit nila ang katarungang hinahanap ngunit kung hindi naman ay nangako si Elias na aanib ito sa kapitan.

Talasalitaan:

  • Napapaligiran – napapalibutan
  • Iminungkahi – inilahad
  • Masalimuot – mahirap, magulo
  • Sinapit – dinanas
  • Kumbento – simbahan
  • Kura – pari
  • Lumusob – sumugod
  • Pinag-uusig – pinaghahanap
  • Hinaing – hinanakit, reklamo
  • Aanib – sasapi

Kabanata 46: Ang Sabungan

Tuwing araw ng linggo, kung marami ang napunta sa simbahan ay marami din ang nasa sabungan. Dito nagkikita ang mayayamang handang magpatalo ng malaking puhunan at mahihirap na nakikipagsapalaran.
Para sa pamahalaan, hindi mahalaga kung sino ang nananalo dahil ang importante ay ang makokolektang buwis mula sa tao na gagamitin daw sa pagpapatayo ng kalsada at tulay at itutustos sa pagpapaunlad ng agrikultura.
Nahahati ang sabungan sa tatlong bahagi. Malapit sa pasukan ang unang hati kung saan nakapwesto ang mga tindera ng kakanin, nganga, at sigarilyo. Sa ikalawang bahagi naman ng sabungan ay makikita ang pagsasama-sama ng mga sabungero bago magsimula ang aktwal na paglalaban ng manok. Sa ikatlo at huling bahagi ng sabungan nakapwesto ang mga may mataas na posisyon na silang humahatol.
Naroroon din sina Kapitan Tiago, Kapitan Basilio, at Lucas sa sabungan ng araw na iyon. Isang malaki at putting lasak ang dalang manok ng tauhan ni Kapitan Tiago samantalang isang bulik na manok naman ang dala ni Kapitan Basilio.
Nagkasundo ang dalawa na paglabanin ang mga dalang manok sa halagang tatlong daang piso. Lumalabas na liamado ang puti at dehado ang pula. Kung marami ang pumupusta, marami din naman ang nanonood lang dahil wala naman silang pera.
Kabilang ang magkapatid na sina Tarsilo at Bruno sa mga nagmamasid lang. Lumapit ang dalawa kay Lucas upang makahiram ng pera na gagamitin sa pangtaya ngunit may kondisyon si Lucas.
Papahiramin ni Lucas ang dalawang magkapatid ng pera kung papayag ang mga itong sumama sa paglusob sa kwartel. Dagdag pa ni Lucas ay mas malaking pera ang makukuha nila kung makakapag-akay pa sila ng madami.
Dahil kakilala ng dalawa si Ibarra ay hindi ito agad napapayag ngunit dahil sa hindi nakatiis ang magkapatid ay pumayag na din ang mga ito.
Sinabi ni Lucas na bukas na dadating ang mga sandatang gagamitin sa pagsugod. Nagpatuloy sa panonood ng sabong ang lahat matapos ang pakikipagsunduan na naganap.

Talasalitaan:

  • Buwis – bahagi ng kinikita o bayad ng mga mamamayan na napupunta sa pamahalaan
  • Humahatol – nagdedesisyon
  • Lasak – kulay itim at puting manok
  • Bulik – batik batik na manok
  • Liamado – lamang
  • Dehado – lugi, talo
  • Nagmamasid – nanonood, nagtitingin tingin
  • Kwartel – tirahan ng mga sundalo
  • Makakapag-akay – makakapagsama

Kabanata 47: Ang Dalawang Senyora

Habang abala ang iba sa sabungan, namamasyal naman ang mag-asawang Don Tiburcio at Donya Victorina sa kabayanan upang makita kung paano mag-ayos ng bahay at mag-alaga ng bukid ang mga Indio.
Nagagalit ang Donya sa tuwing hindi ito ginagalang ng mga makakasalubong. Inutusan niya ang asawa na paluin ng baston ang mga hindi magbibigay ng galang ngunit tumanggi naman si Don Tiburcio dahil ito ay may kapansanan.
Nang mapadaan ang mag-asawa sa bahay ng alperes ay nagtama ang mga mata nina Donya Victorina at Donya Consolacion na saktong nakadungaw sa kanilang bintana. Makikita ang matalim na titigan ng dalawa.
Mula sa bintana ay dumura si Donya Consolacion na mas lalong ikinainis ni Donya Victorina. Binitiwan ni Donya Victorina ang asawa na kamuntikan ng sumubsob sa kalsada at sinugod si Donya Consolacion.
Doon ay walang tigil na nag-alipustahan ang dalawa.

Talasalitaan:

  • Baston – tungkod
  • Alperes – opisyal ng militar
  • Matalim – matalas
  • Masubsob – madapa
  • Nag-alipustahan – nagbangayan, nagsagutan

Kabanata 48: Ang Palaisipan

Dumating si Ibarra sa tirahan ni Kapitan Tiago kinabukan upang dalawin si Maria Clara dala-dala ang balitang napawalang bisa na ang kanyang pagiging ekskumunikado at ang liham para sa kura paroko na nagpapatunay na muli siyang tinatanggap ng Simbahang Katoliko.
Tuwang-tuwa na nagsisigaw si Tiya Isabel habang tinatawag si Maria Clara. Tumingala si Ibarra sa balkonahe at napangiti nang makitang tumindig ang dalaga. Ngunit mabilis na binawi ang ngiti ng binata nang makitang may dala-dalang pumpon ng mga rosas ang dalaga.
Nang umakyat si Ibarra sa balkonahe ay nakita niya ang panauhin ni Maria Clara na si Linares. Tinignan ni Ibarra si Linares mula ulo hanggang paa. Dahil sa gulat at lungkot na naramdaman ng binata ay nagpaalam na din ito sa dalaga at sinabing dadalaw nalang sa ibang araw.
Umalis si Ibarrang mabigat ang loob at piniling puntahan ang pagtatayuan ng paaralan upang doon magpalipas ng sama ng loob. Naabutan niya don si Nol Juan na nag-uutos sa mga manggagawa. Ipinakita ni Nol Juan kay Ibarra ang mga natapos nang gawain.
Ipinaalam din ni Ibarra kay Nol Juan na wala nang bisa ang pagiging ekskomunikado nito. Maya-maya pa’y nakita ni Ibarra si Elias na paparating bitbit-bitbit ang mga sako ng simyento.
Inutusan ni Ibarra si Nol Juan na kuhanin ang listahan ng mga trabahador. Sinamantala naman ni Ibarra ang pag-alis ni Nol Juan at ito’y lumapit kay Elias.
Sinabi ni Elias kay Ibarra na magkita sila sa bangka nito sa may tabi ng lawa paglubog ng araw dahil may mahalaga itong sasabihin.
Dali-daling umalis si Elias nang pabalik na si Nol Juan. Paulit-ulit na binasa ni Ibarra ang listahan ng mga trabahador ngunit hindi niya nakita sa listahan si Elias.

Talasalitaan:

  • Ekskumonikado – bawal tanggapin ng simbahan habang nabubuhay
  • Liham – sulat
  • Kura paroko – mataas na pari
  • Balkonahe – bahagi ng bahay na nagsisilbing pahingahan
  • Tumindig – tumayo
  • Pumpon – tumpok

Kabanata 49: Ang Hinaing ng mga Inuusig

Papalubog na ang araw nang dumating si Ibarra sa tabi ng lawa. Doon ay nakita niya si Elias na nakasakay sa nakahintong bangka.
Nang makasakay na ang binata ay nagsimula nang sumagwan si Elias. Humingi ito ng paumanhin dahil sa gitna ng lawa lang sila mag-uusap dahil mas tahimik doon at paniguradong walang makakarinig sa kanilang pag-uusapan.
Ipinaliwang ni Elias ang dahilan ng kanilang pag-uusap. Aniya inutusan siyang magdala ng mga hinaing ng mga api. Ilan sa mga ito ay respeto sa dignidad ng tao, seguridad sa bawat isa, at pang-unawa ng militar sa pagbawi sa mga pribilehiyo.
Handa si Ibarra na sumuporta sa adhikain ng mga naaapi sa pamamagitan ng pagbibigay ng pera at paghingi ng tulong mula sa mga kaibigan nito sa Madrid at pati sa Kapitan Heneral. Ngunit nababahala ito na sa halip makatulong ay baka mas lalo pang makasama ang kanilang balak.
Bagamat ramdam ni Ibarra ang matinding hinaing ni Elias ay hindi parin ito napapayag sa bandang huli. Sinabi nitong ibabalita nalang niya sa mga api na hindi pumayag ang binata sa halip ay umasa nalang sa Diyos.

Talasalitaan:

  • Hinaing – reklamo, hinanakit
  • Api – inaaway
  • Pribilehiyo – espesyal na karapatan, bentahe, o kung ano pang importanteng bagay na nakukuha lamang ng illan at hindi lahat ng tao
  • Adhikain – layunin

Kabanata 50: Mga Kamag-anak ni Elias

Animnapung taon na ang nakalipas nang mamasukan ang lolo ni Elias bilang tagasuri sa opisina ng isang mangangalakal na Kastila. Nang masunog ang nasabing tanggapan ay inihabla ito nang may-ari.
Dahil sa walang kakayanang kumuha ng magaling na abogado ay masaklap na parusa ang pinataw dito. Itinali ito sa kabayo at kinaladkad hanggang sa maging duguan ang buong katawan. Walang ibang naglakas tumulong dito kundi ang luhaang asawa lamang.
Napilitang manlimos ang kanyang lola para may pambili ng gamot ng asawa at para may ipakain sa nag-iisang anak na lalaki.
Sa kagustuhang lumayo sa lipunang nagbibigay ng lungkot sa kanila ay namundok sila. Ngunit dahil sa pagod at kalungkutan ay nakunan ang noo’y nagdadalang-tao na lola niya. Dahil sa patong-patong na problema ay nagbigti naman ang lolo niya.
Nabulok ang bangkay ng lolo ni Elias at nasakdal naman ang lola sa salang kapabayaan. Kung sinu-sinong lalaki din ang kinasama nito. Makalipas ang ilang buwan ay muling nabuksan ang kaso ng lola ni Elias.
Sa takot na makulong ay itinakbo niya ang dalawang anak na lalaki sa kalapit na lalawigan. Pinalaki niya ang dalawang magkapatid. Naging bandido ang nakakatandang anak na tinawag na Balat habang ang isa naman ay nangako sa sariling aalagaan ang ina.
Patuloy na namuhay ang lola ni Elias at ang nakakabatang anak nito sa gubat. Sa kasamaang palad ay nahuli ng gwardiya sibil si Balat. Patung-patong na krimen ang nagawa nito kung kaya’t masaklap na paghuhusga ang ginawa sa kanya.
Isang umaga ay nakita nalang ng mga tao ang bangkay ng lola nito. Natagpuan ito sa ilalim ng puno ng bulak. Ikinagulat naman ng bunsong anak nang makita ang duguang ulo ng kapatid na nakasabit sa sanga ng puno.
Matapos maipalibing ng bunsong anak ang bangkay ng kapatid at ina ay nagpakalayu-layo ito. Maraming narating hanggang sa mapilitang maglingkod sa mayamang mangangalakal na may malaking kapital sa lalawigan ng Tayabas.
Paglaon ay unti-unting nakaipon ng salapi at napaunlad ang sarili. Nakakilala siya ng isang dalaga na may mahigpit na magulang. Nang minsang may mangyari sa kanila ay nangako naman na ito’y papanindigan.
Ngunit imbes na makasal ay pinakulong ito ng magulang ng babae. Nagkaroon ng bunga ang pagmamahalan ng dalawa. Nanganak ang babae ng kambal, isang babae at isang lalaki. ito ay si Elias at Concordia.
Lumaki ang kambal na ang alam nila ay patay na ang kanilang ama. Musmos palang ay namatay naman ang kanilang ina.
Nag-aral si Elias sa mga Heswitas dahil may kaya naman ang lolo nito. Ngunit agad naman itong umuwi kasama ang kambal niya nang mamatay ang lolo upang asikasuhin ang kanilang kabuhayan.
Si Concordia naman ay nakatakdang ikasal ngunit ito ay hindi natuloy dahil sa nalaman ang nakaraan nito. Nalungkot si Concordia sa balitang ikinasal na sa iba ang kanyang kasintahan. Nawala nalang ito ng bigla isang araw.
Pagkatapos ng anim na buwan ay may nabalitaan si Elias na may natagpuang bangkay ng isang babae na may tarak sa dibdib. Ito nga ang kapatid niyang si Concordia.
Magmula noon ay nagsimulang gumala-gala si Elias sa iba’t-ibang lugar dahil sa mga bintang na hindi naman niya ginawa.

Talasalitaan:

  • Tagasuri – tagatingin
  • Ipinataw – ipinatong
  • Nasakdal – suspek
  • Bandido – tulisan, may nalabag na batas
  • Masaklap – hindi kanais-nais
  • Paglaon – lumipas
  • Musmos – bata

NOLI ME TANGERE (Kabanata 25 - 37)

Kabanata 25: Sa Bahay ni Pilosopo Tasyo

Nagtungo si Ibarra sa bahay ni Pilosopo Tasyo upang humingi ng suhestiyon sa ipapatayong paaralan.
Naabutan niyang nagsusulat si Pilosopo Tasyo gamit ang mga simbolong hayop, bilog, bulaklak, paa, daliri, at kamay. Nagtaka si Ibarra kung bakit ganun ang kanyang sinusulat.
Ayon kay Pilosopo Tasyo, nagsusulat siya sa ganung pamamaraan upang hindi ito maintindihan ng mambabasa. Agad namang nagtaka si Ibarra at inakalang baliw ang matanda.
Ayon sa paliwanag ni Pilosopo Tasyo, ang kanyang sinusulat ay hindi para sa kasalukuyan kundi sa mga susunod na henerasyong darating. Kung mababasa ng awtoridad ang kanyang sinulat ay paniguradong susunugin ang mga ito.
Naisip ni Ibarra na lumapit kay Pilosopo Tasyo dahil batid niyang dito rin lumalapit ang ama na si Don Rafael upang humingi ng payo. Inilabas ni Ibarra ang kanyang mga papeles at sinabi ang planong pagpapatayo ng paaralan.
Sinabi ni Pilosopo Tasyo na hindi dapat siya ang nilapitan ni Ibarra kung payo ang kailangan nito dahil baka akalain ng ibang tao na baliw din si Ibarra kung kakaiba ang pananaw nito sa mas nakakarami.
Ipinayo ni Pilosopo Tasyo na kumonsulta si Ibarra sa kura, alkalde, at sa lahat ng may mga katungkulan. Maaaring ang mga taong ito ay magbibigay ng masasamang plano ngunit hindi nangangahulugan ng pagsunod.
Ayon kay Pilosopo Tasyo, magtatagumpay lamang ang mga plano nito kung tutulungan ng pamahalaan at hindi naman matutuloy kung hindi ito tutulong. Batid pa niya na kayang kayang durugin ng simbahan ang mga pangarap na ito.
Gayunpaman, malaki ang paniniwala ni Ibarra na siya ay tutulungan ng kapwa bayan at pamahalaan. Ayon pa kay Pilosopo Tasyo, ang gobyerno ay kagamitan lang ng simbahan. Matatag ito ngunit sa sandaling iwanan ito ng simbahan ay babagsak din.
Hindi sumasang-ayon si Ibarra sa mga sinasabi ni Pilosopo Tasyo lalo pa nung sabihin nito na kung nais niyang magkaroon ng katuparan ang kanyang mga plano ay marapat lang na yumuko muna siya sa mga makapangyarihan. Kung hindi niya ito gagawin ay malabong may mangyari sa kanyang mga plano.
Hindi matanggap ni Ibarra ang pananaw na ito ni Pilosopo Tasyo dahil iba ang pananaw na kinalakihan nito mula sa Europa. Ayon kay Pilosopo Tasyo, hindi katanggap-tanggap ang ganitong prinsipyo, dahil ang lupang nais pag-anihan ni Ibarra ay pagmamay-ari ng kanyang kaaway.
Dagdag pa ng pilosopo, hindi sapat ang kayamanan at kabutihan ng loob. Dapat ring maunawaan ni Ibarra na ang lupang nais pagtaniman ay puno pa ng mga damo. Batid ni Ibarra ang kahalagahan ng payo ni Tasyo ngunit hindi parin siya nawawalan ng loob.
Maaaring hindi magtagumpay ang planong ito ngunit naniniwala siya na mayroong uusbong na punla na siyang magpapatuloy sa pangarap na sinimulan ni Pilosopo Tasyo.

Talasalitaan:

  • Pilosopo – nag-uusisa, matalinong tao
  • Nangangahulugan – ibig sabihin
  • Gayunpaman – subalit
  • Uusbong – sisibol

Kabanata 26: Ang Araw Bago ang Pista

Bago palang ang araw ng pista sa San Diego ay abala na ang lahat sa paghahanda.
Masaya ang bawat tahanan, ang bawat kalye, ang simbahan, at ang sabungan. Ang paligid ay napapaligiran ng banderitas at dekorasyon. Maririnig na din musika at mga tunog ng paputok.
Abala na rin ang mga kababaihan sa pagluluto ng handa. Bawat tahanan ay makakakitaan ng mga panauhin.
Makikita rin sa bayan ang malaking entablado na pagtatanghalan ng mga sikat na mandudula galing Tondo. Walang tigil sa paglakad ang mga tao at nagtatakbuhan naman ang mga bata.
Ang pagdiriwang ay katulad sa eksena ng normal na pista. Habang may kanya kanyang gawain ang lahat, abala din ang mga taong kinontrata ni Ibarra sa pagpapatayo ng paaralan.
May naghuhukay ng lupa, naghahalo ng simyento, at may naghahakot ng bato. Si Nol Juan ang naatasan upang mamahala sa proyekto. Ang lahat ng gastos sa pinapatayong gusali ay sagot ni Ibarra. Hindi niya tinatanggap ang anumang tulong mula sa mayayaman at sa mga pari.
Ang ipapatayong paaralan ay iginaya sa eskwelahan sa Europa. Kung saan ay hiwalay ang mga babae sa lalaki. Bukod sa may magagarang silid-aralan may nakalaan ding malawak na espasyo para sa pagtatanim ng mga gulay.
Lalagyan din ito ng piitan para sa mga batang tamad mag-aral at sa tabi naman ay palaruan para sa mababait na bata. Marami ang humanga sa ginawang ito ni Ibarra ngunit pinayuhan parin siya ni Pilosopo Tasyo na mag-ingat sa mga kaaway na palihim siyang tinitira.

Talasalitaan:

  • Panauhin – bisita
  • Mandudula – dramatista, artista
  • Kinontrata – kinausap
  • Piitan – kulungan

Kabanata 27: Sa Pagtatakipsilim

Malaki ang handaan sa bahay ni Kapitan Tiago at kaniyang pinagmamalaki na panauhin niya si Crisostomo Ibarra, ang kanyang magiging manugang.
Tanyag sa Manila si Ibarra. Ginawan siya ng artikulo na may pamagat na “Tularan Ninyo Siya”. Sinasamantala ni Kapitan Tiago ang kasikatan ng binata at umaasa na kasama siyang mapuri sa mga pahayagan.
Sa gabing iyon din ay hinandugan ni Kapitan Tiago si Maria Clara ng isang laket na may dyamante at Esmeralda.
Masayang nagharap si Kapitan Tiago at Ibarra. Nagmungkahi naman si Kapitan Tiago na ipangalan ang pinapatayong paaralan kay San Francisco.
Niyaya ng mga kababaihan si Ibaraa at Maria Clara upang mamasyal at pinaunlakan naman ng dalawa ang paanyaya. Bilin ni Kapitan Tiago na maagang umuwi ang dalaga dahil kasalo nila sa hapunan ni Padre Damaso.
Inanyayahan din ni Kapitan Tiago si Ibarra na makasama sa nasabing hapunan upang magkaayos ang binata at ang pari ngunit nagdahilan si Ibarra na may panauhin din siyang darating.
Patuloy sa paglalakad ang mga dalaga kasama ang magkasintahan na sina Maria Clara at Crisostomo Ibarra. Isinama din nila si Sinang ng mapadaan ang mga ito sa kanila.
Sa bayan ay may nakita silang isang ketongin na pinandidirihan at nilalayuan ng mga tao. Naawa si Maria Clara sa ketongin, lumapit ito at ibinigay niya ang laket na iniregalo ng ama.
Lumapit naman ang baliw na si Sisa sa ketongin. Tinuro niya ang kampanaryo sabay sabing nandoon daw ang kanyang mga anak.
Umalis ang ketongin dala ang bigay na laket ni Maria Clara. Natuklasan ni Maria Clara na marami ang mahihirap sa lugar na iyon.

Talasalitaan:

  • Panauhin – bisita
  • Mapuri – pinagmamalaki
  • Hinandugan – inalayan
  • Nagmungkahi – nagpahayag
  • Paanyaya – imbitasyon

Kabanata 28: Ilang Sulat

Nailatha sa pahayagan sa Manila ang mga kaganapan na nangyari sa araw ng pista ng San Diego. Kasama sa balita ang mga sikat na tao sa San Diego, ang mga pari, maging ang pagtatanghal kasama na ang mga artistang nagsipagganap.
Nasiyahan ang mga Kastila sa komedyang nasa wikang Kastila. At masaya namang pinanood ng mga Pilipino ang komedyang nakasalin sa wikang Tagalog.
Ngunit si Crisostomo Ibarra ay walang dinaluhan alinman sa dalawa. Kinabukasn ay nagdaos ng isang prusisyon para sa mga santo’t santa. Nagkaroon din ng sayawan sa pangunguna ng mag-amang sina Kapitan Tiago at Maria Clara bagay na ikinainis ng dalaga.
Gumawa ng liham ang dalagang si Maria Clara sa kanyang minamahal na si Crisostomo Ibarra. Isang liham ng pag-aalala dahil ilang araw na itong hindi nagpapakita.
Ipinaabot ni Maria Clara ang liham sa kapatid-kapatirang si Andeng.

Talasalitaan:

  • Nailathala – naibalita
  • Pahayagan – naglalaman ng balita
  • Kaganapan – pangyayari
  • Nasiyahan – natuwa
  • Dinaluhan – pinuntahan

Kabanata 29: Ang Araw ng Pista

Maagang nagising ang mamamayan dahil sa tunog na dala ng umiikot na banda ng musiko. Maririnig din ang ingay na hatid ng kalembang ng kampana at mga tunog ng paputok.
Magarbo ang mga kasuotan ng lahat kahit ang mga sabungero. Ngunit tanging si Pilosopo Tasyo lang ang hindi nagpalit ng kasuotan.
Para sa matanda ay pagsasayang lang ng pera at pagpapakitang tao ang pagdiriwang na iyon. Sa halip na aksayahin ay dapat ilaan nalang ang mga perang ito sa mas kapakipakinabang na bagay.
Ganun din naman ang pananaw ni Don Filipo ngunit wala siyang lakas ng loob para di sumang-ayon sa pag-uutos ng pari.
Alas-otso na ng magsimula ang prusisyon ng mga santo at santa. Nagtapos ang prusisyon sa tapat ng bahay Kapitan Tiago kung saan nag-aabang sina Maria Clara at Crisostomo Ibarra kasama na ang iba pang panauhin na Kastila.

Talasalitaan:

  • Kalembang – tunog ng kampana
  • Magarbo – bongga, marangya
  • Pilosopo – naguusisa, matalinong tao
  • Prusisyon – parada

Kabanata 30: Sa Simbahan

Marami ang taong pumunta sa simbahan upang makinig sa misa. Hindi maiwasan ang tulakan at gitgitan sa dami ng taong naroroon.
Bali-balitang nagkakahalaga daw ng dalawang daan at limampung piso ang misa sa araw ng kapistahan. Sa kamahalan ay hindi nalalayo ang binabayad sa komedya na nagtatanghal ng tatlong araw.
Ngunit paliwanag naman ng maestrong kapatiran ni San Francisco na mas gugustuhin pa niyang gumastos ng mahal sa pakikinig sa sermon kaysa sa panonood ng komedya dahil ang mga kaluluwang nanonood sa komedya ay napupunta sa impyerno at ang mga kaluluwa namang nakikinig sa sermon ay napupunta sa langit.
Hindi naman agad nagsimula ang misa dahil wala pa ang alkalde mayor na sinasadya namang magpahuli upang mapansin ng lahat ang kanyang pagdating suot ang nagkikislapang medalya na simbolo ng kanyang tungkulin sa pamahalaan.
Nang dumating ang alkalde ay sinimulan na agad ang misa. Tumindig sa pulpito ang pari na parang sinasabi na siya ay isang Franciscano na dapat sundin.

Talasalitaan:

  • Misa – simba
  • Komedya – palabas ng nakakatuwa
  • Maestro – guro
  • Alkalde – mayor
  • Sermon – pangangaral
  • Pulpito – gamit ng nagsesermon tulad ng pari

Kabanata 31: Ang Sermon

Nagsimula na si Padre Damaso sa kanyang sermon nang makita niyang nakatuon na ang paningin ng lahat ng tao sa kanya. Sinimulan niya ang sermon sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang salita mula sa Bibliya.
Namangha sina Padre Sibyla at Padre Martin sa magandang bwelo ng pari. Ayon sa kanyang sermon, ang salita ng Diyos ay dapat magkaroon ng bunga sa bayan na iyon kung kaya’t ito ay hindi dapat itanim sa mabatong lupa.
Nagbanggit din siya ng mga tao na dapat tinitingala dahil sa kanilang pananampalataya katulad ni David, Roland, at ang mga gwardiya sibil ng kalangitan.
Ang sermon ni Padre Damaso sa wikang Kastila ay hindi naiintindihan ng mga Indio. Tanging ang mga salitang tulisan, gwardiya sibil, San Francisco, at San Diego lang ang naiintindihan ng mga Indio.
Marami sa mga nakikinig ang inaantok na sa sermon ng pari. Naghihikab na si Kapitan Tiago at sinusulyapan naman ni Maria Clara si Ibarra sa kanyang kinauupuan.
Pinatamaan ni Padre Damaso sa kaniyang sermon si Ibarra dahilan kung bakit nagalit ang binata. Dagdag pa niya na ang mga anak ng mga erehe ay bastos at walang galang.
Samantala, walang sinumang nakapansin na nakapasok si Elias sa simbahan. Lumapit ito kay Ibarra at binalaan na mag-ingat sa seremonya ng pagbabasbas na gaganapin bukas.
Aniya, huwag lalapit si Ibarra sa pundasyong bato dahil maaari niya itong ikamatay. Bigla namang nawala si Elias ng minsan pang lingunin ito ni Ibarra.

Talasalitaan:

  • Sermon – pangangaral
  • Nakatuon – nakabaling, naka pokus
  • Tinitingala – hinahangaan
  • Tulisan – hindi sumusunod sa batas, bandido
  • Naghihikab – pagkaantok
  • Sinusulyapan – palihim na tinitignan
  • Erehe – hindi sumusunod sa utos ng simbahan

Kabanata 32: Ang Paghugos

Nagtayo ang taong madilaw ng isang makinarya na siyang nagtataas at nagbababa ng mabibigat ng bagay gaya ng bato at bakal. Ayon sa taong madilaw ay si Don Saturnino, lolo ni Ibarra pa ang nagturo sa kanya kung paano gamitin ang makinarya.
Pinaghandaan ni Ibarra ang espesyal na okasyon. Nagpaluto siya ng masasarap na pagkain para sa lahat ng makikilahok. Nagdaos naman ang mga guro ng palaro katulad ng palosebo, pabitin, at pukpok sa palayok. Nais ni Ibarra na maging masaya at matagumpay ang pagpapatayo sa paaralan.
Mayroon ding masayang tugtugan na hatid ng banda. Naroroon ang mga panauhing inanyayahan ni Ibarra katulad ng alkalde, Kapitan Tiago, alperes, at si Padre Salvi. Naroroon din ang mga naggagandahang dilag kung saan pansin na pansin ang kagandahan ni Maria Clara.
Tumigil na ang tunog ng banda hudyat na magsisimula na ang seremonya. Pinalibutan ng lahat ang nakaukang bato.
Nang mapatingala si Ibarra sa itaas ay nakita niya ang madilaw na lalaki na nakangisi. Biglang bumilis ang tibok ng puso niya at naalala ang babala ni Elias nung nasa simbahan. Nabuhayan naman siya ng loob nanng mapansing malapit si Elias sa kinaroroonan ng taong madilaw.
Nagsimula nang magbigay ng sermon si Padre Salvi at mapapansing nangangatal ang boses habang nagbabasa. Ipinasok na ang kahong kristal sa tinggang bumbong.
Nagmungkahi ang alkalde na si Ibarra ang maglagay sa ukang bato ngunit tumanggi ito at nagmungkahi na ang Eskribano nalang ang magsagawa nito.
Agad na kinuha ng eksribano ang tinggang bumbong at bumaba sa baitang na kinaroroonan ng uka at inilagay ang mga katibayan ng kasaysayan.
Binendisyunan ni Padre Salvi at sunud-sunod na bumaba sa hagdan ang mga piling panauhin. Isang ritwal ang paglalagay ng simyento. Pinangunahan ng alkalde ang ritwal na sinundan naman ni Padre Salvi.
Habang bumababa ang pari ay tumingin ito sa umuugang bato na nakatali sa lubid. Madaling nagpalitada ang pari at pansin parin ang panginginig ng kanyang tuhod. Sunud-sunod nang nagpalitada ang iba pang piling panauhin.
Napansin naman ni Padre Salvi na hindi pa nagpapalitada si Ibarra. Napilitang kuhanin ni Ibarra ang pala at ikinatuwa naman ito ng mga panauhin.
Sa isang iglap ay kumawata ang mga lubid na siyang humahawak sa malaking bato. Nagulantang ang lahat. Ang iba ay piniling lumayo ngunit may ilan-ilang lumapit upang tignan kung sino ang nadaganan ng malaking bato.
Nakita ng lahat ang nakatayong si Ibarra habang hawak ang pala. Sa paanan ng binata ay may duguang katawan ng isang madilaw na lalaki.

Talasalitaan:

  • Makikilahok – sasali
  • Nagdaos – nagdiwang
  • Alkalde – mayor
  • Alperes – batang opisyal ng militar
  • Hudyat – senyales
  • Sermon – pangangaral
  • Nangangatal – nanginginig
  • Bumbong – lalagyan na yari sa kawayan
  • Nagmungkahi – nag ulat, nagsalita, nagkwento
  • Eskribano – dalubhasa sa batas
  • Uka – sira
  • Binendisyonan – binasbasan
  • Nagulantang – nagulat

Kabanata 33: Ang Malayang Isipan

Hindi inaasahan ni Ibarra ang pagpunta ni Elias sa bahay nila. Muling nagbigay ng babala si Elias kay Ibarra.
Aniya, kailangang isipin ng kalaban ni Ibarra na sila ay pinagkakatiwalaan nito upang ito ay manatiling ligtas. Hindi naman matukoy ni Ibarra kung sino ang kalabang tinutukoy nito.
Ayon kay Elias isa sa mga kalaban ni Ibarra ay ang madilaw na tao. Nanghinayang si Ibarra sa pagkamatay ng madilaw na tao dahil makakausap sana nila ito kung ito ay nabuhay.
Ngunit di naman sang-ayon si Elias dahil maaari itong makatakas kung ito ay nabuhay. Napunta naman ang usapan sa milagro.
Higit na pinaniniwalaan ni Elias ang Panginoon kaysa sa milagro. Maya-maya pa ay nagpaalam na rin si Elias kay Ibarra.
Ipinangako ni Ibarra na hindi nito ipagsasabi kaninuman ang babalang galing kay Elias. Nangako din si Elias kay Ibarra na ito ay dadating kung sakaling mangailangan ng tulong ang binata.

Talasalitaan:

  • Manatili – magpatuloy
  • Matukoy – masabi
  • Milagro – himala

Kabanata 34: Ang Pananghalian

Magsasalu-salo ang mga espesyal na tao sa San Diego sa isang tanghalian. Kabilang sa mga panauhin sina Ibarra, ang alkalde, Maria Clara, Kapitan Tiago, Padre Salvi, Padre Sibyla, ang alperes, ang tinyente, ang eskribano, at ilang mga kadalagahan.
Nakapwesto sa magkabilang dulo ng lamesa si Ibarra at ang alkalde. Habang kumakain ay may dumating na telegrama para kay Kapitan Tiago na nagsasabing darating ang Kapitan Heneral at ito ay tutuloy sa bahay nila.
Iba’t-ibang reaksyon ang narinig mula sa mga panauhin. Malaking sampal kila Padre Salvi at Padre Sibyla nang piliin ng Kapitan Heneral na tumuloy sa bahay ni Kapitan Tiago kaysa tumuloy sa kumbento.
Maya-maya ay napatigil ang lahat sa pagkain nang makitang parating si Padre Damaso na nakangiti. Nagsimula na namang paringgan ni Padre Damaso si Ibarra.
Iniba ng alkalde ang usapan ngunit hindi parin nagpapatinag ang pari. Pilit namang nagtitimpi ang binata sa kabila ng mga naririnig nito. Patuloy parin sa pagsasalita ang pari hanggang sa mapunta ang usapan tungkol sa ama ni Ibarra na si Don Rafael.
Doon ay hindi na niya kinaya ni Ibarra ang sarili. Sa galit ay kamuntikan na nitong saksakin ang pari. Mabuti nalang at napigilan siya ni Maria Clara. Muli itong huminahon at piniling umalis na lamang.

Talasalitaan:

  • Alkalde – mayor
  • Alperes – batang opisyal ng militar
  • Tinyente – sundalo
  • Eskribano – dalubhasa sa batas
  • Telegrama – sulat
  • Kumbento – simbahan
  • Huminahon – kumalma

Kabanata 35: Ang Usap-usapan

Iba’t-ibang balita ang nagkalat sa bayan tungkol sa nangyari sa tanghalian. May mga balitang nagkalat na patay na daw ang pari. Mas marami naman ang pumanig sa pari dahil kung nakapagpigil lang sana ito ay hindi sana iyon mangyayari.
Ipinagtanggol naman ni Don Filipo si Ibarra. Aniya walang sinuman ang makakapagtimpi sa mga salitang binitiwan ng pari. Ayon sa alkalde ay wala naman silang magagawa dahil laging mga pari ang tama. Kaya kung sinuman ang pumanig kay Ibarra ay magkakaproblema.
Dagdag pa ng isang babae, kung siya daw ang ina ni Ibarra ay namatay na ito sa kahihiyan. Nalugod naman si Kapitan Maria sa ginawang pagtatanggol ni Ibarra sa ama.
Marami naman ang nabahala na baka hindi na matuloy ang pagpapatayo ng paaralan. Naniniwala sila na ang paaralan na iyon ang magiging daan upang magkaroon ng magandang kinabukasn ang kanilang mga anak.

Talasalitaan:

  • Pumanig – kumampi
  • Makakapagtimpi – makakapagpigil
  • Alkalde – mayor
  • Binitawan – pinakawalan
  • Nalugod – nagalak

Kabanata 36: Ang Unang Suliranin

Napuno ng kalungkutan si Maria Clara nang malaman na ekskomunikado sa simbahan si Ibarra. Kahit na anong gawing pagpapasaya ni Tiya Isabel at Andeng ay hindi umuubra. Nangako si Andeng na gagawa siya ng paraan para makausap ni Maria Clara si Ibarra.
Mas lalo pang nalungkot ang dalaga ng ibalita sa kaniya ni kapitan Tiago ang pinag-uutos ng simbahan. Bilin ni Padre Damaso na putulin na ang relasyon ng magkasintahan dahil kung hindi ay si Kapitan Tiago ang mapaparusahan.
Bilin naman ni Padre Sibyla na huwag papapuntahin sa bahay nila si Ibarra. Katwiran ni Kapitan Tiago meron daw siyang limampung libong pisong utang sa binata kung kaya’t nakikipagkaibigan ito sa kanya ngunit walang pakialam ang mga pari.
Lalo pang nagimbal si Maria Clara sa sunod na balita ni Kapitan Tiago na dumating na daw ang binatang pinsan ni Padre Damaso mula Espanya na siyang nararapat daw nitong maging kasintahan.
Maging si Tiya Isabel ay nagulat at nagalit sa mga balitang dala-dala ni Kapitan Tiago. Ngunit walang magagawa si Kapitan Tiago dahil manganganib ang kaluluwa nito kung hindi susunod.
Ilang sandali pa’y dumating na din ang Kapitan Heneral. Dali-daling tumakbo si Maria Clara sa kanyang kwarto at doon ay lumuhod sa birhen.
Taimtim siyang nanalangin na may kasamang pag-iyak. Pumasok naman si Tiya Isabel sa silid ni Maria Clara dahil ito ay pinapatawag ng Kapitan Heneral.

Talasalitaan:

  • Ekskomunikado – bawal tanggapin ng simbahan habang nabubuhay
  • Umuubra – tumalab
  • Katwiran – rason
  • Nagimbal – pagkagulat
  • Manganganib – delikado

Kabanata 37: Ang Kapitan Heneral

Ipinatawag ng Kapitan Heneral si Ibarra. Ang akala ni Ibarra ay magagalit sa kanya ang Kapitan Heneral matapos itong kausapin ngunit lumabas ito ng silid na nakangiti.
Pinapakita nito ang kabutihang loob ng Heneral. Iritang-irita naman ang mga pari habang nag-iintay na matapos ang usapan ng dalawa. Inakala nilang sila ang unang kakausapin ng Heneral.
Magkakasunod na pumasok si Padre Sibyla, Padre Salvi, Padre Martin, at ang iba pang mga pari. Hinanap ng Heneral si Padre Damaso ngunit wala naman ang pari doon sa kadahilanang ito ay may sakit.
Sunod na pumasok at nagbigay galang sina Kapitan Tiago at Maria Clara. Humanga ang Kapitan Heneral sa dalaga dahil sa lakas ng loob na ipinamalas nito sa kabila ng pag-aaway ng nobyo at ng pari.
Nang dumating si Ibarra ay agad nagpaalala si Padre Salvi na si Ibarra ay ekskomunikado ngunit hindi naman ito pinansin ng Kapitan Heneral sa halip ay inalala nito ang may sakit na si Padre Damaso.
Binati at pinuri naman ng Heneral ang ginawang pagtatanggol ni Ibarra sa kanyang ama. Nangako pa itong kakausapin ang Arsobispo tungkol sa pagiging ekskomunikado ng binata.
Nais namang makaharap muli ng Heneral si Maria Clara bago ito umalis patungo Espanya. Inanyayahan naman nito ang alkalde na samahan siya sa kanyang paglilibot.
Iminungkahi ng Kapitan Heneral na ipagbili nalang ni Ibarra ang kanyang mga ari-arian dito sa Pilipinas at sa Espanya nalang manirahan. Ngunit para kay Ibarra higit na mas matamis ang manirahan sa sariling bayan.
Hinabilin nito kay Ibarra na kausapin si Maria Clara at papuntahin sa kanya si Kapitan Tiago. Ang bilin ng Heneral sa alkalde ay protektahan si Ibarra dahil sa magandang plano nito para sa bayan.
Nang dumating si Kapitan Tiago ay ipinaabot nito ang paghanga dahil sa pagkakaroon ng mabuting anak at mamanugangin. Nagmungkahi siya na gawing ninong sa kasal ng dalawa.
Nagtungo naman si Ibarra sa silid ni Maria Clara ngunit bigo itong makita ang dalaga. Sinabi ni Sinang na isulat nalang niya ang gusto niyang sabihin kay Maria Clara dahil sila ay patungo sa dulaan.