Martes, Abril 7, 2020

NOLI ME TANGERE (Kabanata 25 - 37)

Kabanata 25: Sa Bahay ni Pilosopo Tasyo

Nagtungo si Ibarra sa bahay ni Pilosopo Tasyo upang humingi ng suhestiyon sa ipapatayong paaralan.
Naabutan niyang nagsusulat si Pilosopo Tasyo gamit ang mga simbolong hayop, bilog, bulaklak, paa, daliri, at kamay. Nagtaka si Ibarra kung bakit ganun ang kanyang sinusulat.
Ayon kay Pilosopo Tasyo, nagsusulat siya sa ganung pamamaraan upang hindi ito maintindihan ng mambabasa. Agad namang nagtaka si Ibarra at inakalang baliw ang matanda.
Ayon sa paliwanag ni Pilosopo Tasyo, ang kanyang sinusulat ay hindi para sa kasalukuyan kundi sa mga susunod na henerasyong darating. Kung mababasa ng awtoridad ang kanyang sinulat ay paniguradong susunugin ang mga ito.
Naisip ni Ibarra na lumapit kay Pilosopo Tasyo dahil batid niyang dito rin lumalapit ang ama na si Don Rafael upang humingi ng payo. Inilabas ni Ibarra ang kanyang mga papeles at sinabi ang planong pagpapatayo ng paaralan.
Sinabi ni Pilosopo Tasyo na hindi dapat siya ang nilapitan ni Ibarra kung payo ang kailangan nito dahil baka akalain ng ibang tao na baliw din si Ibarra kung kakaiba ang pananaw nito sa mas nakakarami.
Ipinayo ni Pilosopo Tasyo na kumonsulta si Ibarra sa kura, alkalde, at sa lahat ng may mga katungkulan. Maaaring ang mga taong ito ay magbibigay ng masasamang plano ngunit hindi nangangahulugan ng pagsunod.
Ayon kay Pilosopo Tasyo, magtatagumpay lamang ang mga plano nito kung tutulungan ng pamahalaan at hindi naman matutuloy kung hindi ito tutulong. Batid pa niya na kayang kayang durugin ng simbahan ang mga pangarap na ito.
Gayunpaman, malaki ang paniniwala ni Ibarra na siya ay tutulungan ng kapwa bayan at pamahalaan. Ayon pa kay Pilosopo Tasyo, ang gobyerno ay kagamitan lang ng simbahan. Matatag ito ngunit sa sandaling iwanan ito ng simbahan ay babagsak din.
Hindi sumasang-ayon si Ibarra sa mga sinasabi ni Pilosopo Tasyo lalo pa nung sabihin nito na kung nais niyang magkaroon ng katuparan ang kanyang mga plano ay marapat lang na yumuko muna siya sa mga makapangyarihan. Kung hindi niya ito gagawin ay malabong may mangyari sa kanyang mga plano.
Hindi matanggap ni Ibarra ang pananaw na ito ni Pilosopo Tasyo dahil iba ang pananaw na kinalakihan nito mula sa Europa. Ayon kay Pilosopo Tasyo, hindi katanggap-tanggap ang ganitong prinsipyo, dahil ang lupang nais pag-anihan ni Ibarra ay pagmamay-ari ng kanyang kaaway.
Dagdag pa ng pilosopo, hindi sapat ang kayamanan at kabutihan ng loob. Dapat ring maunawaan ni Ibarra na ang lupang nais pagtaniman ay puno pa ng mga damo. Batid ni Ibarra ang kahalagahan ng payo ni Tasyo ngunit hindi parin siya nawawalan ng loob.
Maaaring hindi magtagumpay ang planong ito ngunit naniniwala siya na mayroong uusbong na punla na siyang magpapatuloy sa pangarap na sinimulan ni Pilosopo Tasyo.

Talasalitaan:

  • Pilosopo – nag-uusisa, matalinong tao
  • Nangangahulugan – ibig sabihin
  • Gayunpaman – subalit
  • Uusbong – sisibol

Kabanata 26: Ang Araw Bago ang Pista

Bago palang ang araw ng pista sa San Diego ay abala na ang lahat sa paghahanda.
Masaya ang bawat tahanan, ang bawat kalye, ang simbahan, at ang sabungan. Ang paligid ay napapaligiran ng banderitas at dekorasyon. Maririnig na din musika at mga tunog ng paputok.
Abala na rin ang mga kababaihan sa pagluluto ng handa. Bawat tahanan ay makakakitaan ng mga panauhin.
Makikita rin sa bayan ang malaking entablado na pagtatanghalan ng mga sikat na mandudula galing Tondo. Walang tigil sa paglakad ang mga tao at nagtatakbuhan naman ang mga bata.
Ang pagdiriwang ay katulad sa eksena ng normal na pista. Habang may kanya kanyang gawain ang lahat, abala din ang mga taong kinontrata ni Ibarra sa pagpapatayo ng paaralan.
May naghuhukay ng lupa, naghahalo ng simyento, at may naghahakot ng bato. Si Nol Juan ang naatasan upang mamahala sa proyekto. Ang lahat ng gastos sa pinapatayong gusali ay sagot ni Ibarra. Hindi niya tinatanggap ang anumang tulong mula sa mayayaman at sa mga pari.
Ang ipapatayong paaralan ay iginaya sa eskwelahan sa Europa. Kung saan ay hiwalay ang mga babae sa lalaki. Bukod sa may magagarang silid-aralan may nakalaan ding malawak na espasyo para sa pagtatanim ng mga gulay.
Lalagyan din ito ng piitan para sa mga batang tamad mag-aral at sa tabi naman ay palaruan para sa mababait na bata. Marami ang humanga sa ginawang ito ni Ibarra ngunit pinayuhan parin siya ni Pilosopo Tasyo na mag-ingat sa mga kaaway na palihim siyang tinitira.

Talasalitaan:

  • Panauhin – bisita
  • Mandudula – dramatista, artista
  • Kinontrata – kinausap
  • Piitan – kulungan

Kabanata 27: Sa Pagtatakipsilim

Malaki ang handaan sa bahay ni Kapitan Tiago at kaniyang pinagmamalaki na panauhin niya si Crisostomo Ibarra, ang kanyang magiging manugang.
Tanyag sa Manila si Ibarra. Ginawan siya ng artikulo na may pamagat na “Tularan Ninyo Siya”. Sinasamantala ni Kapitan Tiago ang kasikatan ng binata at umaasa na kasama siyang mapuri sa mga pahayagan.
Sa gabing iyon din ay hinandugan ni Kapitan Tiago si Maria Clara ng isang laket na may dyamante at Esmeralda.
Masayang nagharap si Kapitan Tiago at Ibarra. Nagmungkahi naman si Kapitan Tiago na ipangalan ang pinapatayong paaralan kay San Francisco.
Niyaya ng mga kababaihan si Ibaraa at Maria Clara upang mamasyal at pinaunlakan naman ng dalawa ang paanyaya. Bilin ni Kapitan Tiago na maagang umuwi ang dalaga dahil kasalo nila sa hapunan ni Padre Damaso.
Inanyayahan din ni Kapitan Tiago si Ibarra na makasama sa nasabing hapunan upang magkaayos ang binata at ang pari ngunit nagdahilan si Ibarra na may panauhin din siyang darating.
Patuloy sa paglalakad ang mga dalaga kasama ang magkasintahan na sina Maria Clara at Crisostomo Ibarra. Isinama din nila si Sinang ng mapadaan ang mga ito sa kanila.
Sa bayan ay may nakita silang isang ketongin na pinandidirihan at nilalayuan ng mga tao. Naawa si Maria Clara sa ketongin, lumapit ito at ibinigay niya ang laket na iniregalo ng ama.
Lumapit naman ang baliw na si Sisa sa ketongin. Tinuro niya ang kampanaryo sabay sabing nandoon daw ang kanyang mga anak.
Umalis ang ketongin dala ang bigay na laket ni Maria Clara. Natuklasan ni Maria Clara na marami ang mahihirap sa lugar na iyon.

Talasalitaan:

  • Panauhin – bisita
  • Mapuri – pinagmamalaki
  • Hinandugan – inalayan
  • Nagmungkahi – nagpahayag
  • Paanyaya – imbitasyon

Kabanata 28: Ilang Sulat

Nailatha sa pahayagan sa Manila ang mga kaganapan na nangyari sa araw ng pista ng San Diego. Kasama sa balita ang mga sikat na tao sa San Diego, ang mga pari, maging ang pagtatanghal kasama na ang mga artistang nagsipagganap.
Nasiyahan ang mga Kastila sa komedyang nasa wikang Kastila. At masaya namang pinanood ng mga Pilipino ang komedyang nakasalin sa wikang Tagalog.
Ngunit si Crisostomo Ibarra ay walang dinaluhan alinman sa dalawa. Kinabukasn ay nagdaos ng isang prusisyon para sa mga santo’t santa. Nagkaroon din ng sayawan sa pangunguna ng mag-amang sina Kapitan Tiago at Maria Clara bagay na ikinainis ng dalaga.
Gumawa ng liham ang dalagang si Maria Clara sa kanyang minamahal na si Crisostomo Ibarra. Isang liham ng pag-aalala dahil ilang araw na itong hindi nagpapakita.
Ipinaabot ni Maria Clara ang liham sa kapatid-kapatirang si Andeng.

Talasalitaan:

  • Nailathala – naibalita
  • Pahayagan – naglalaman ng balita
  • Kaganapan – pangyayari
  • Nasiyahan – natuwa
  • Dinaluhan – pinuntahan

Kabanata 29: Ang Araw ng Pista

Maagang nagising ang mamamayan dahil sa tunog na dala ng umiikot na banda ng musiko. Maririnig din ang ingay na hatid ng kalembang ng kampana at mga tunog ng paputok.
Magarbo ang mga kasuotan ng lahat kahit ang mga sabungero. Ngunit tanging si Pilosopo Tasyo lang ang hindi nagpalit ng kasuotan.
Para sa matanda ay pagsasayang lang ng pera at pagpapakitang tao ang pagdiriwang na iyon. Sa halip na aksayahin ay dapat ilaan nalang ang mga perang ito sa mas kapakipakinabang na bagay.
Ganun din naman ang pananaw ni Don Filipo ngunit wala siyang lakas ng loob para di sumang-ayon sa pag-uutos ng pari.
Alas-otso na ng magsimula ang prusisyon ng mga santo at santa. Nagtapos ang prusisyon sa tapat ng bahay Kapitan Tiago kung saan nag-aabang sina Maria Clara at Crisostomo Ibarra kasama na ang iba pang panauhin na Kastila.

Talasalitaan:

  • Kalembang – tunog ng kampana
  • Magarbo – bongga, marangya
  • Pilosopo – naguusisa, matalinong tao
  • Prusisyon – parada

Kabanata 30: Sa Simbahan

Marami ang taong pumunta sa simbahan upang makinig sa misa. Hindi maiwasan ang tulakan at gitgitan sa dami ng taong naroroon.
Bali-balitang nagkakahalaga daw ng dalawang daan at limampung piso ang misa sa araw ng kapistahan. Sa kamahalan ay hindi nalalayo ang binabayad sa komedya na nagtatanghal ng tatlong araw.
Ngunit paliwanag naman ng maestrong kapatiran ni San Francisco na mas gugustuhin pa niyang gumastos ng mahal sa pakikinig sa sermon kaysa sa panonood ng komedya dahil ang mga kaluluwang nanonood sa komedya ay napupunta sa impyerno at ang mga kaluluwa namang nakikinig sa sermon ay napupunta sa langit.
Hindi naman agad nagsimula ang misa dahil wala pa ang alkalde mayor na sinasadya namang magpahuli upang mapansin ng lahat ang kanyang pagdating suot ang nagkikislapang medalya na simbolo ng kanyang tungkulin sa pamahalaan.
Nang dumating ang alkalde ay sinimulan na agad ang misa. Tumindig sa pulpito ang pari na parang sinasabi na siya ay isang Franciscano na dapat sundin.

Talasalitaan:

  • Misa – simba
  • Komedya – palabas ng nakakatuwa
  • Maestro – guro
  • Alkalde – mayor
  • Sermon – pangangaral
  • Pulpito – gamit ng nagsesermon tulad ng pari

Kabanata 31: Ang Sermon

Nagsimula na si Padre Damaso sa kanyang sermon nang makita niyang nakatuon na ang paningin ng lahat ng tao sa kanya. Sinimulan niya ang sermon sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang salita mula sa Bibliya.
Namangha sina Padre Sibyla at Padre Martin sa magandang bwelo ng pari. Ayon sa kanyang sermon, ang salita ng Diyos ay dapat magkaroon ng bunga sa bayan na iyon kung kaya’t ito ay hindi dapat itanim sa mabatong lupa.
Nagbanggit din siya ng mga tao na dapat tinitingala dahil sa kanilang pananampalataya katulad ni David, Roland, at ang mga gwardiya sibil ng kalangitan.
Ang sermon ni Padre Damaso sa wikang Kastila ay hindi naiintindihan ng mga Indio. Tanging ang mga salitang tulisan, gwardiya sibil, San Francisco, at San Diego lang ang naiintindihan ng mga Indio.
Marami sa mga nakikinig ang inaantok na sa sermon ng pari. Naghihikab na si Kapitan Tiago at sinusulyapan naman ni Maria Clara si Ibarra sa kanyang kinauupuan.
Pinatamaan ni Padre Damaso sa kaniyang sermon si Ibarra dahilan kung bakit nagalit ang binata. Dagdag pa niya na ang mga anak ng mga erehe ay bastos at walang galang.
Samantala, walang sinumang nakapansin na nakapasok si Elias sa simbahan. Lumapit ito kay Ibarra at binalaan na mag-ingat sa seremonya ng pagbabasbas na gaganapin bukas.
Aniya, huwag lalapit si Ibarra sa pundasyong bato dahil maaari niya itong ikamatay. Bigla namang nawala si Elias ng minsan pang lingunin ito ni Ibarra.

Talasalitaan:

  • Sermon – pangangaral
  • Nakatuon – nakabaling, naka pokus
  • Tinitingala – hinahangaan
  • Tulisan – hindi sumusunod sa batas, bandido
  • Naghihikab – pagkaantok
  • Sinusulyapan – palihim na tinitignan
  • Erehe – hindi sumusunod sa utos ng simbahan

Kabanata 32: Ang Paghugos

Nagtayo ang taong madilaw ng isang makinarya na siyang nagtataas at nagbababa ng mabibigat ng bagay gaya ng bato at bakal. Ayon sa taong madilaw ay si Don Saturnino, lolo ni Ibarra pa ang nagturo sa kanya kung paano gamitin ang makinarya.
Pinaghandaan ni Ibarra ang espesyal na okasyon. Nagpaluto siya ng masasarap na pagkain para sa lahat ng makikilahok. Nagdaos naman ang mga guro ng palaro katulad ng palosebo, pabitin, at pukpok sa palayok. Nais ni Ibarra na maging masaya at matagumpay ang pagpapatayo sa paaralan.
Mayroon ding masayang tugtugan na hatid ng banda. Naroroon ang mga panauhing inanyayahan ni Ibarra katulad ng alkalde, Kapitan Tiago, alperes, at si Padre Salvi. Naroroon din ang mga naggagandahang dilag kung saan pansin na pansin ang kagandahan ni Maria Clara.
Tumigil na ang tunog ng banda hudyat na magsisimula na ang seremonya. Pinalibutan ng lahat ang nakaukang bato.
Nang mapatingala si Ibarra sa itaas ay nakita niya ang madilaw na lalaki na nakangisi. Biglang bumilis ang tibok ng puso niya at naalala ang babala ni Elias nung nasa simbahan. Nabuhayan naman siya ng loob nanng mapansing malapit si Elias sa kinaroroonan ng taong madilaw.
Nagsimula nang magbigay ng sermon si Padre Salvi at mapapansing nangangatal ang boses habang nagbabasa. Ipinasok na ang kahong kristal sa tinggang bumbong.
Nagmungkahi ang alkalde na si Ibarra ang maglagay sa ukang bato ngunit tumanggi ito at nagmungkahi na ang Eskribano nalang ang magsagawa nito.
Agad na kinuha ng eksribano ang tinggang bumbong at bumaba sa baitang na kinaroroonan ng uka at inilagay ang mga katibayan ng kasaysayan.
Binendisyunan ni Padre Salvi at sunud-sunod na bumaba sa hagdan ang mga piling panauhin. Isang ritwal ang paglalagay ng simyento. Pinangunahan ng alkalde ang ritwal na sinundan naman ni Padre Salvi.
Habang bumababa ang pari ay tumingin ito sa umuugang bato na nakatali sa lubid. Madaling nagpalitada ang pari at pansin parin ang panginginig ng kanyang tuhod. Sunud-sunod nang nagpalitada ang iba pang piling panauhin.
Napansin naman ni Padre Salvi na hindi pa nagpapalitada si Ibarra. Napilitang kuhanin ni Ibarra ang pala at ikinatuwa naman ito ng mga panauhin.
Sa isang iglap ay kumawata ang mga lubid na siyang humahawak sa malaking bato. Nagulantang ang lahat. Ang iba ay piniling lumayo ngunit may ilan-ilang lumapit upang tignan kung sino ang nadaganan ng malaking bato.
Nakita ng lahat ang nakatayong si Ibarra habang hawak ang pala. Sa paanan ng binata ay may duguang katawan ng isang madilaw na lalaki.

Talasalitaan:

  • Makikilahok – sasali
  • Nagdaos – nagdiwang
  • Alkalde – mayor
  • Alperes – batang opisyal ng militar
  • Hudyat – senyales
  • Sermon – pangangaral
  • Nangangatal – nanginginig
  • Bumbong – lalagyan na yari sa kawayan
  • Nagmungkahi – nag ulat, nagsalita, nagkwento
  • Eskribano – dalubhasa sa batas
  • Uka – sira
  • Binendisyonan – binasbasan
  • Nagulantang – nagulat

Kabanata 33: Ang Malayang Isipan

Hindi inaasahan ni Ibarra ang pagpunta ni Elias sa bahay nila. Muling nagbigay ng babala si Elias kay Ibarra.
Aniya, kailangang isipin ng kalaban ni Ibarra na sila ay pinagkakatiwalaan nito upang ito ay manatiling ligtas. Hindi naman matukoy ni Ibarra kung sino ang kalabang tinutukoy nito.
Ayon kay Elias isa sa mga kalaban ni Ibarra ay ang madilaw na tao. Nanghinayang si Ibarra sa pagkamatay ng madilaw na tao dahil makakausap sana nila ito kung ito ay nabuhay.
Ngunit di naman sang-ayon si Elias dahil maaari itong makatakas kung ito ay nabuhay. Napunta naman ang usapan sa milagro.
Higit na pinaniniwalaan ni Elias ang Panginoon kaysa sa milagro. Maya-maya pa ay nagpaalam na rin si Elias kay Ibarra.
Ipinangako ni Ibarra na hindi nito ipagsasabi kaninuman ang babalang galing kay Elias. Nangako din si Elias kay Ibarra na ito ay dadating kung sakaling mangailangan ng tulong ang binata.

Talasalitaan:

  • Manatili – magpatuloy
  • Matukoy – masabi
  • Milagro – himala

Kabanata 34: Ang Pananghalian

Magsasalu-salo ang mga espesyal na tao sa San Diego sa isang tanghalian. Kabilang sa mga panauhin sina Ibarra, ang alkalde, Maria Clara, Kapitan Tiago, Padre Salvi, Padre Sibyla, ang alperes, ang tinyente, ang eskribano, at ilang mga kadalagahan.
Nakapwesto sa magkabilang dulo ng lamesa si Ibarra at ang alkalde. Habang kumakain ay may dumating na telegrama para kay Kapitan Tiago na nagsasabing darating ang Kapitan Heneral at ito ay tutuloy sa bahay nila.
Iba’t-ibang reaksyon ang narinig mula sa mga panauhin. Malaking sampal kila Padre Salvi at Padre Sibyla nang piliin ng Kapitan Heneral na tumuloy sa bahay ni Kapitan Tiago kaysa tumuloy sa kumbento.
Maya-maya ay napatigil ang lahat sa pagkain nang makitang parating si Padre Damaso na nakangiti. Nagsimula na namang paringgan ni Padre Damaso si Ibarra.
Iniba ng alkalde ang usapan ngunit hindi parin nagpapatinag ang pari. Pilit namang nagtitimpi ang binata sa kabila ng mga naririnig nito. Patuloy parin sa pagsasalita ang pari hanggang sa mapunta ang usapan tungkol sa ama ni Ibarra na si Don Rafael.
Doon ay hindi na niya kinaya ni Ibarra ang sarili. Sa galit ay kamuntikan na nitong saksakin ang pari. Mabuti nalang at napigilan siya ni Maria Clara. Muli itong huminahon at piniling umalis na lamang.

Talasalitaan:

  • Alkalde – mayor
  • Alperes – batang opisyal ng militar
  • Tinyente – sundalo
  • Eskribano – dalubhasa sa batas
  • Telegrama – sulat
  • Kumbento – simbahan
  • Huminahon – kumalma

Kabanata 35: Ang Usap-usapan

Iba’t-ibang balita ang nagkalat sa bayan tungkol sa nangyari sa tanghalian. May mga balitang nagkalat na patay na daw ang pari. Mas marami naman ang pumanig sa pari dahil kung nakapagpigil lang sana ito ay hindi sana iyon mangyayari.
Ipinagtanggol naman ni Don Filipo si Ibarra. Aniya walang sinuman ang makakapagtimpi sa mga salitang binitiwan ng pari. Ayon sa alkalde ay wala naman silang magagawa dahil laging mga pari ang tama. Kaya kung sinuman ang pumanig kay Ibarra ay magkakaproblema.
Dagdag pa ng isang babae, kung siya daw ang ina ni Ibarra ay namatay na ito sa kahihiyan. Nalugod naman si Kapitan Maria sa ginawang pagtatanggol ni Ibarra sa ama.
Marami naman ang nabahala na baka hindi na matuloy ang pagpapatayo ng paaralan. Naniniwala sila na ang paaralan na iyon ang magiging daan upang magkaroon ng magandang kinabukasn ang kanilang mga anak.

Talasalitaan:

  • Pumanig – kumampi
  • Makakapagtimpi – makakapagpigil
  • Alkalde – mayor
  • Binitawan – pinakawalan
  • Nalugod – nagalak

Kabanata 36: Ang Unang Suliranin

Napuno ng kalungkutan si Maria Clara nang malaman na ekskomunikado sa simbahan si Ibarra. Kahit na anong gawing pagpapasaya ni Tiya Isabel at Andeng ay hindi umuubra. Nangako si Andeng na gagawa siya ng paraan para makausap ni Maria Clara si Ibarra.
Mas lalo pang nalungkot ang dalaga ng ibalita sa kaniya ni kapitan Tiago ang pinag-uutos ng simbahan. Bilin ni Padre Damaso na putulin na ang relasyon ng magkasintahan dahil kung hindi ay si Kapitan Tiago ang mapaparusahan.
Bilin naman ni Padre Sibyla na huwag papapuntahin sa bahay nila si Ibarra. Katwiran ni Kapitan Tiago meron daw siyang limampung libong pisong utang sa binata kung kaya’t nakikipagkaibigan ito sa kanya ngunit walang pakialam ang mga pari.
Lalo pang nagimbal si Maria Clara sa sunod na balita ni Kapitan Tiago na dumating na daw ang binatang pinsan ni Padre Damaso mula Espanya na siyang nararapat daw nitong maging kasintahan.
Maging si Tiya Isabel ay nagulat at nagalit sa mga balitang dala-dala ni Kapitan Tiago. Ngunit walang magagawa si Kapitan Tiago dahil manganganib ang kaluluwa nito kung hindi susunod.
Ilang sandali pa’y dumating na din ang Kapitan Heneral. Dali-daling tumakbo si Maria Clara sa kanyang kwarto at doon ay lumuhod sa birhen.
Taimtim siyang nanalangin na may kasamang pag-iyak. Pumasok naman si Tiya Isabel sa silid ni Maria Clara dahil ito ay pinapatawag ng Kapitan Heneral.

Talasalitaan:

  • Ekskomunikado – bawal tanggapin ng simbahan habang nabubuhay
  • Umuubra – tumalab
  • Katwiran – rason
  • Nagimbal – pagkagulat
  • Manganganib – delikado

Kabanata 37: Ang Kapitan Heneral

Ipinatawag ng Kapitan Heneral si Ibarra. Ang akala ni Ibarra ay magagalit sa kanya ang Kapitan Heneral matapos itong kausapin ngunit lumabas ito ng silid na nakangiti.
Pinapakita nito ang kabutihang loob ng Heneral. Iritang-irita naman ang mga pari habang nag-iintay na matapos ang usapan ng dalawa. Inakala nilang sila ang unang kakausapin ng Heneral.
Magkakasunod na pumasok si Padre Sibyla, Padre Salvi, Padre Martin, at ang iba pang mga pari. Hinanap ng Heneral si Padre Damaso ngunit wala naman ang pari doon sa kadahilanang ito ay may sakit.
Sunod na pumasok at nagbigay galang sina Kapitan Tiago at Maria Clara. Humanga ang Kapitan Heneral sa dalaga dahil sa lakas ng loob na ipinamalas nito sa kabila ng pag-aaway ng nobyo at ng pari.
Nang dumating si Ibarra ay agad nagpaalala si Padre Salvi na si Ibarra ay ekskomunikado ngunit hindi naman ito pinansin ng Kapitan Heneral sa halip ay inalala nito ang may sakit na si Padre Damaso.
Binati at pinuri naman ng Heneral ang ginawang pagtatanggol ni Ibarra sa kanyang ama. Nangako pa itong kakausapin ang Arsobispo tungkol sa pagiging ekskomunikado ng binata.
Nais namang makaharap muli ng Heneral si Maria Clara bago ito umalis patungo Espanya. Inanyayahan naman nito ang alkalde na samahan siya sa kanyang paglilibot.
Iminungkahi ng Kapitan Heneral na ipagbili nalang ni Ibarra ang kanyang mga ari-arian dito sa Pilipinas at sa Espanya nalang manirahan. Ngunit para kay Ibarra higit na mas matamis ang manirahan sa sariling bayan.
Hinabilin nito kay Ibarra na kausapin si Maria Clara at papuntahin sa kanya si Kapitan Tiago. Ang bilin ng Heneral sa alkalde ay protektahan si Ibarra dahil sa magandang plano nito para sa bayan.
Nang dumating si Kapitan Tiago ay ipinaabot nito ang paghanga dahil sa pagkakaroon ng mabuting anak at mamanugangin. Nagmungkahi siya na gawing ninong sa kasal ng dalawa.
Nagtungo naman si Ibarra sa silid ni Maria Clara ngunit bigo itong makita ang dalaga. Sinabi ni Sinang na isulat nalang niya ang gusto niyang sabihin kay Maria Clara dahil sila ay patungo sa dulaan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento