Kabanata 14: Tasyo: Baliw o Pilosopo?
Si Don Anastacio o mas kilala sa tawag na Pilosopo Tasyo ay kilala sa San Diego dahil siya ay may kakaibang pananaw tungkol sa pulitika at mga paniniwala.
Si Tasyo ay dating estudyante ng pilosopiya. Isinantabi niya ang kanyang pag-aaral upang sumunod sa inang matanda na.
Pinili niyang huwag nang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa halip ay pinakasalan niya ang kaniyang kasintahan. Ngunit namatay ang kanyang ina at kabiyak.
Pagbabasa ng libro ang kanyang inatupag upang hindi niya maalala ang lungkot na sinapit. Naengganyo siyang bumili ng mga aklat kaya napabayaan na niya ang mga kayamanang namana.
Simula noon ay tinawag na siyang Pilosopo Tasyo ng mga may kaya sa buhay, samantalang baliw naman ang tawag sa kanya ng mga mapagbirong tao. Nagtataka ang mga tao sa paniniwala ni Tasyo.
Masaya siya dahil may gumuhit na kidlat sa madilim na langit at nagbabadya nang bumuhos ang malakas na bagyo. Aniya, ang bagyo ang lilipol sa mga tao na siyang maglilinis sa sanlibutan.
Batid niyang mas maiigi pang bumili ng tagahuli ng kidlat kaysa sa mga paputok at kwitis. Hindi din sang-ayon si Pilosopo Tasyo sa pagpapatugtog ng kampana kapag kumukulog dahil ito ay lubhang mapanganib. Pinagtatawanan lang si Pilosopo Tasyo ng sinumang nakakarinig sa kanyang mga mungkahi.
Sunod na nagtungo si Tasyo sa simbahan kung saan niya naabutan ang dalawang magkapatid. Sinabihan niya ang mga ito na umuwi na dahil may hinandang espesyal na hapunan ang kanilang ina. Ngunit hindi naman papayagan ang mga ito na umuwi dahil sa mga katungkulan nila sa simbahan.
Nang lumabas ang matanda sa simbahan ay nagpatuloy ito sa paglalakad hanggang marating ang bahay ni Don Filipo at Aling Doray.
Doon ay pinag-usapan nila ang patungkol sa purgatoryo, bagay na hindi pinaniniwalaan ni Pilosopo Tasyo. Sunod namang talakayan ang pagdating ni Ibarra sa sementeryo. Nabanggit ni Pilosopo Tasyo na isa siya sa anim na kataong dumalo sa libing ng ama ni Ibarra.
Talasalitaan:
- Pilosopo – nag-uusisa, matalinong tao
- Pananaw – paniniwala
- Kabiyak – asawa
- Inatupag – inasikaso
- Sinapit – dinanas
- Naengganyo – naaya o nahikayat
- Napabayaan – naiwan
- Nagbabadya – nagbabanta
- Lilipol – sisira
- Sanlibutan – mundo
- Mungkahi – opinyon
- Purgatoryo – Dito nananatili ang mga taong namatay na at hindi pa kinukuha ng langit o ng lupa
- Talakayan – usapan
Kabanata 15: Ang mga Sakristan
Ang dalawang magkapatid na nakita ni Pilosopo Tasyo ay nasa ikalawang palapag ng simbahan. Si Crispin ang nakakabata at si Basilio naman ang mas nakakatanda. Sila ang anak ni Sisa.
Palaging nakabuntot si Crispin sa kanyang kuya dahil sa takot nito. Sila ay nagtutulungan sa pagpapatunog ng kampanaryo ng simbahan.
Pinagbibintangan si Crispin ng sakristan mayor na nagnakaw ng tatlumpu’t dalawang piso. Hindi naman ito mabayaran ng dalawang magkapatid dahil wala nang makakain ang ina kung ibabayad ang kanilang sahod.
Batid ni Crispin na sana nga ay ninakaw nalang niya ang pera upang meron siyang maibigay sa kanyang ina at kapatid.
Nababahala si Basilio na malaman ng ina ang ibinibintang na pagnanakaw ni Crispin. Tiwala naman si Crispin na paniniwalaan siya ng ina.
Bente sentimo lang ang pera ni Crispin. Pinakatagu-tagu pa niya ito sa kanyang aginaldo nung nakaraang pasko. Habang nag-uusap ang magkapatid ay may narinig silang kaluskos.
Nagalit ang sakristan mayor dahil narinig niya ang usapan ng dalawang magkapatid. Pinagmulta niya si Basilio dahil sa maling pagpapatunog ng kampana at hindi naman niya pinayagang makauwi si Crispin hangga’t hindi nito nababayaran ang kanyang ninakaw.
Sinabi ng sakristan mayor na maaari palang makauwi si Basilio pagsapit ng ika-sampu ng gabi ngunit mapanganib na para kay Basilio ang umuwi dahil pinagbabawal ng gwardiya sibil ang paglalakad sa daanan paglampas ng ika-siyam ng gabi.
Nagalit ang sakristan mayor kaya kinaladkad nito sa Cripin palayo kay Basilio. Hindi nakapagsalita si Basilio sa narinig na mga sampal, sigaw, pagmamakaawa na unti-uning nauwi sa katahimikan.
Dali-daling pumanhik si Basilio at tumakas gamit ang mga lubid ng kampana. Lumipas ang dalawang minuto, dalawang putok ng baril ang ikinagulat ng lahat.
Talasalitaan:
- Nakabuntot – nakasunod
- Ibinibintang – isinisisi
- Aginaldo – bigay o kaloob
- Kaluskos – mahinang tunog
- Kinaladkad – hinila
- Pumanhik – umakyat o sumampa
Kabanata 16: Si Sisa
Si Sisa ang ina nina Crispin at Basilio. Siya’y nagpakasal sa isang sabungerong lulong sa sugal.
Sa tuwing nagkikita ang dalawa ay puro kalungkutan nalang ang nadarama ni Sisa dahil wala na itong maidulot na maganda para sa kanilang pamilya. Puro sarili nalang ang iniisip nito.
Madalas pang bugbugin ang asawang si Sisa. Tanging si Basilio at Crispin nalang ang nagpapasaya at nagbibigay pag-asa kaya Sisa. Bata pa si Sisa ngunit bakas sa kanyang mukha ang paghihirap niya.
Isang gabi ay naghanda si Sisa ng makakain ng mga anak. Nagsaing at nag-ihaw siya ng tatlong tuyong tawilis. Nakikita na si Sisa ang ligayang idudulot nito sa kanyang mga anak sa pag-uwi nila.
Nagpapasalamat si Sisa kay Pilosopo Tasyo dahil sa tapang baboy ramo at isang hita ng patong binigay nito sa kanya. Isang masarap na hapunan ang inihanda ni Sisa para kanyang mga anak.
Ngunit sa di inaasahan, dumating ang asawa ni Sisa. Dali-daling nilamon ng asawa nito ang lahat ng inihanda ni Sisa at wala nang itinira para sa mga anak. Pagkatapos kumain ay kinuha nito ang manok na panabong at agad umalis.
Muling nanlumo si Sisa at agad na inayos ang sarili dahil sa pag-aakalang parating na ang mga anak. Muling nagsaing at nag-ihaw ng natitirang tawilis si Sisa para sa mga anak.
Ilang sandali pa’y narinig niya ang malakas at sunud-sunud na pagkatok ni Basilio.
Talasalitaan:
- Lulong – adik
- Maidulot – hatid
- Di inaasahan – hindi hinahangad
- Nilamon – kinain
- Nanlumo – labis na nalungkot, nanghina, nanamlay, nawalan ng pag-asa
Kabanata 17: Si Basilio
Nang buksan ni Sisa ang pinto tumambad sa kaniya ang kaawa-awang itsura ng anak na si Basilio. Niyakap niya si Basilyo kahit wala na itong lakas. Humagulgol pa ito nang makitang tumulo ang dugo sa noo nito.
Inilihim ni Basilio sa ina ang nangyari kay Crispin. Isinalaysay naman niya ang nangyaring pagtakas dahilan kung bakit nadaplisan siya ng bala ng baril sa noo. Agad na ginamot ni Sisa ang sugat ni Basilio habang ikinukuwento ang pangyayari sa nawawalang pera.
Sinisigurado nitong wala siyang mababanggit tungkol sa pananakit ng sakristan mayor sa kapatid na si Crispin. Nalaman ni Basilio na umuwi ang ama sa kanilang bahay bagay na ikinabahala nito.
Lingid sa kaalaman ni Basilio ang pananakit ng ama sa ina. Para kay Basilio ay mas mabuti pang wala na lang ang ama nito. Masaya na siya basta kasama niya ang kapatid at ang ina.
Sa pagkakaidlip, nagkaroon ng masamang panaginip si Basilio. Nakita niya sa kaniyang panaginip ang pambubugbog ng kura at mayor sakristan kay Sisa hanggang sa wala na itong maramdaman.
Narinig ni Sisa ang ungol ng nananaginip na si Basilio. Nang tanungin ni Sisa ang panaginip ng binata ay hindi ito nagsabi ng totoo. Sa halip ay nag-imbento siya ng ibang panaginip.
Ipinahayag ni Basilio sa ina ang kanyang plano na tumigil nang magsilbi sa simbahan. Sa halip ay pupunta siya kay Ibarra upang mamasukan bilang pastol ng mga baka at kalabaw niya.
Ipapasok naman niya ang kaptid na si Crispin kay Tasyo. Inilahad ni Basilio ang napakagandang plano niya para sa kapatid at ina.
Naluha nalang si Sisa ng mapansing wala ang ama sa mga plano nito. Mahigpit na nagyakapan ang mag ina.
Talasalitaan:
- Tumambad – bumungad, bumulaga
- Ikinabahala – ipinag-alala
- Humagulgol – umiyak
- Isinalaysay – ikinuwento
Kabanata 18: Mga Kaluluwang Nagdurusa
Nagdaos ng misa si Padre Salvi para sa Todos Los Santos sa araw na yaon. Ngunit wala ang magilas na galaw ng pari dahil sa may sakit ito.
Lumabas si Padre Salvi sa likod ng sakristiya at dali-daling tumungo sa kalapit na parokyang bahay tirahan nito. Ang paksa ng mga manang at manong ay patungkol sa pagbili ng indulgencia para sa kaligtasan ng mga yumaong kamag-anak na nagdurusa sa purgatoryo.
Hindi nila napansin ang pagdating ni Sisa sa lugar dahil sa kaabalahan ng lahat. Dala-dala ang mga handog ni Sisa para sa mga hari, nagtungo siya sa kusina ng kumbento upang iayos ang mga bitbit na gulay na kanyang tanim.
Nakausap niya ang tagaluto at nalamang may sakit ang pari kung kaya’t hindi niya ito makakausap. Ikinagulat din niya ang balitang pagtakas ni Crispin kasama ang kaniyang kapatid na si Basilio.
Batid na ito ng mga gwardiya sibil at anumang oras ay pupunta ito sa bahay nila upang hulihin ang dalawa. Bilin ng tagapagluto na ingatan ni Sisa ang mga anak nito lalo na si Crispin dahil baka raw sumunod ito sa yapak ng asawa niyang sabungero.
Dali-daling lumabas si Sisa upang lisanin ang nakakapasong tingin ng mga usisera’t usiserong manang at manong. Ipinagpatuloy ni Sisa ang pagluha sa kalsada.
Talasalitaan:
- Nagdaos – nagsagawa
- Yumao – pumanaw
- Lisanin – umalis
- Kaabalahan – maraming ginagawa
- Ususera – chismosa/ chismoso
Kabanata 19: Mga Karanasan ng Isang Guro
Nagmasid-masid si Ibarra at ang kanyang guro sa San Diego sa tabi ng lawa na parehas nakasuot ng panluksa. Sa lawa na iyon itinapon ang bangkay ng ama.
Nagpasalamat si Ibarra sa guro dahil sa pakikiramay nito sa ama. Ayon sa guro ay wala dapat itong ipagpasalamat sapagkat malaki ang utang na loob nito kay Don Rafael dahil isa ito sa mga nabigyan ng tulong nung ito’y nabubuhay pa.
Nagtanong si Ibarra kung ano ang kinahinatnat ng pagtulong ng ama sa mga mahihirap. Sinabi ng guro na nakatulong si Don Rafael sa pagpapaunlad ng edukasyon sa kanilang bayan.
Ibinahagi din ng guro ang iba’t-ibang problemang kinaharap ng mga guro at ng edukasyon. Kabilang na dito ang kawalan ng motibasyon at interes ng mga estudyante sa pag-aaral, kakulangan sa kagamitan ng mga guro at mga mag-aaral, walang maayos na silid aralan, at ang kawalan ng pagkakaisa sa pagitan ng mga magulang ng mga estudyante at mga nasa katungkulan.
Isa din sa balakid sa edukasyon ay ang kakaibang pananaw ng mga pari sa paraan ng pagtuturo ng mga guro. Kahit pa masikap ang mga guro sa pagtuturo ay hindi parin matututo ang mga estudyante kung patuloy na manghihimasok ang mga pari.
Nangako naman si Ibarra na tutulong sa abot ng kaniyang makakaya. Sisikapin niyang paunladin ang sistema ng edukasyon sa kanilang lugar.
Ipapahatid ni Ibarra ang napag-usapan ng dalawa sa gaganaping miting sa bulwagang bayan na pinaanyaya ng alkalde mayor.
Talasalitaan:
- Nagmasid-masid – tumitingin-tingin
- Kinahinatnan – kinahantungan
- Balakid – sagabal
- Pananaw – pagkakaunawa
- Manghihimasok – pakikialam
- Bulwagan – silid
- Alkalde – mayor
Kabanata 20: Ang Pagpupulong sa Tribunal
Ang bulwagang pulungan ng San Diego ay dinadaluhan ng mga kinikilalang mamamayan na pawang nagbibigay ng opinyon para sa ikakaganda ng bayan.
Sa loob ay makikita ang dalawang grupo ng mga panauhin. Ang una ay ang mga konserbatibo o grupo ng mga nakakatanda na pinamumunuan ng Kabesa. Ang ikalawa naman ay ang mga liberal o grupo ng mga nakakabata na pinamumunuan naman ni Don Filipo.
Ang paksa ng pagpupulong ay ang gaganaping pista labing-isang araw mula sa araw na iyon. Kabilang din sa pagpupulong ang pagtatayo ng paaralan sa bayan.
Iminungkahi ni Don Filipo na magkaroon ng talaan ng mga gastos sa bawat gawaing isasakatuparan.
Bukod dito, plano din niyang magtayo ng isang malaking palabas kagaya ng komedya sa plasa sa loob ng isang linggo. Plano din niyang maglagay ng mga paputok upang mas maging maganda ang pista bagay na tinutulan ng lahat ng nasa bulwagan.
Para naman sa Kabesa, dapat gawing simple lang ang pista at tipirin ang pagdiriwang na gaganapin. Hindi rin siya sumang-ayon sa pagbili ng mga paputok na siyang iminungkahi ni Don Filipo.
Ang mga panukalang inilahad ng dalawang grupo ay parehas na hindi sinang-ayunan dahil nakapagdesisyon na ang kura sa mangyayaring pista.
Magkakaroon ng anim na prusisyon, tatlong sermon, tatlong misa mayor at isang tanghalan katulad ng komedya sa pista.
Talasalitaan:
- Dinadaluhan – pinupuntahan
- Pinamumunuan – pinamamahalaan
- Iminungkahi – ipinahayag
- Talaan – sulatan
- Isasakatuparan – ipapatupad
- Komedya – nagpapatawa
- Tinutulan – inayawan
- Kabesa – pinuno, kapitan
- Panukala – suhestyon
Kabanata 21: Ang Kasaysayan ni Sisa
Tulirong nagtungo si Sisa pabalik sa kanilang dampa ng matapos marinig ang balita tungkol sa mga anak. Sa kanyang pag-uwi ay natanawan niya ang dalawang gwardiya sibil sa kanyang halamanan na mas lalong nagpakaba kay Sisa.
Nakita ng dalawang gwardiya sibil si Sisa at pilit na hinahanap sa kanya ang mga anak. Nang walang maipakita si Sisa hiniling ng mga gwardiya na bigyan nalang sila ng pera para iwan na ito.
Nagmakaawa si Sisa ngunit di nagpatinag ang mga gwardiya at kinaladkad ito. Sakto naman na kakatapos lang ng misa sa mga oras na ‘yon dahilan kung bakit mas lumubog si Sisa sa kahihiyan.
Payukong lumakad si Sisa ngunit sa kasawiang palad ay napatid siya sa bato dahilan ng pagkasubsob nito sa maalikabok na daan. Batid ni Sisa na siya ang pinagbubulungan at pinagtsitsismisan ng mga tao sa paligid.
Dalawang oras ding nakulong si Sisa sa piitan bago ito tuluyang nakalabas. Nang makauwi sa kanilang dampa ay agad niyang hinanap ang mga anak.
Ngunit wala siyang naabutan doon kundi ang punit at may dugong damit ni Basilio. Dahil sa lungkot at pagdaramdam nito ay nawala sa katinuan si Sisa.
Kinaumagahan ay masayang nagpagala-gala si Sisa habang nagtatatalon at kumakanta.
Talasalitaan:
- Tuliro – naguguluhan, nalilito
- Dampa – bahay na maliit
- Nagmakaawa – nakiusap
- Piitan – kulungan
- Pagdaramdam – pagkalungkot
Kabanata 22: Ang Liwanag at Dilim
Tatlong araw pinaghandaan ng bayan ng San Diego ang magaganap na kapistahan. Usap-usapan sa bayan ang pagdating ni Maria Clara at Tiya Isabel.
Kumalat din ang balitang pagkikita nila Ibarra at Maria Clara na siyang ikinagalit ni Padre Salvi.
Natigil ang lahat sa pag-uusap ng dumating si Ibarra sa bahay nila Maria Clara sakay sa isang karwahe. Nais ng dalawang magkasintahan na magkaroong ng piknik sa tabing ilog kasama ang mga kaibigan nito.
Hiling ng dalaga kay Ibarra na kung maaari ay wag na sanang isama si Padre Salvi sa kanilang piknik dahil hindi ito komportable kapag ito ay nasa paligid. Bagay na di sinang-ayunan ni Ibarra.
Aniya si Padre Salvi ay panauhin ni Maria Clara at maganda naman ang pakikitungo nito kay Ibarra. Titiyakin ni Ibarra na sa ibang bangka sasakay si Padre Salvi para hindi ito makasama sa paglalayag.
Habang nag-uusap ang dalawa ay biglang dumating si Padre Salvi, nagpaalam si Maria Clara upang magpahinga. Inimbitahan ni Ibarra si Padre Salvi sa kanilang gaganapin na piknik at pumayag naman ito.
Paglubog ng araw ay nagpaalam na rin si Ibarra kay Padre Salvi. Habang pauwi ay may isang lalaki ang humingi ng tulong kay Ibarra.
Ayon sa lalaki ay nawawala ang kanyang mga anak at nawalan nang bait ang kanyang asawa. Isinama ni Ibarra ang lalaki at nagpatuloy sa pagkukuwento.
Talasalitaan:
- Karwahe – sasakyang hilahila ng kabayo
- Sinang-ayunan – pumayag
- Pakikitungo – pakikisama
- Titiyakin – sisiguraduhin
- Inimbitahan – inanyayahan
Kabanata 23: Ang Piknik
Madaling araw palang ay naghanda na ang magkakaibigan sa gaganaping piknik sa tabing ilog. Kasama rin sa piknik ang mga kawaksi at matatandang babae.
Ang magkakaibigang Maria Clara, Iday, Victorina, Neneng, at Sinang ay magkakasama sa iisang bangka. Punong puno ng tawanan ang mga kababaihan habang patungo sa bangkang sasakyan. Nang makaharap naman nila ang mga kalalakihan ay bigla silang naging mahinhin.
Sa paglalayag ay nagkaroon ng limang maliliit na butas ang bangkang sinasakyan ng mga kalalakihan kaya agad na naglipatan sa bangkang sinasakyan ng mga kababaihan.
Tumahimik at tumigil sa pagtatawanan ang mga dalaga dahil sa hiya nila. Upang hindi mainip sa paglalakbay ay umawit sa Maria Clara ng kundiman.
Nang kumulo na ang tubig na pagsisigangan ay nagsimula nang manghuli ang mga binata ng isda. Bigo naman silang makahuli ng isda dahil sa biglang pagsulpot ng buwaya.
Tumalon si Elias sa ilog upang labanan ang buwaya dahilan nang pagkabahala ng mga dalaga. Hindi naman kinaya ni Elias ang lakas nito kaya nilundag na rin ni Ibarra ang ilog upang talunin ang buwaya.
Nagpatuloy ang magkakaibigan sa pangingisda hanggang sa sila ay makahuli ng sariwang isda. Sama-samang nananghalian ang mga binata’t dalaga sa silong ng puno na malapit sa ilog.
Talasalitaan:
- Kawaksi – kasangga o kaanib
- Paglalakbay – paglalakad
- Kundiman – uri ng kanta
- Pagsulpot – biglang paglabas
- Nilundag – tumalon
Kabanata 24: Sa Kagubatan
Umaga palang nang makatapos na si Padre Salvi sa kanyang pagmimisa. Hindi natapos ng pari ang kanyang umagahan dahil agad itong umalis patungo sa piknik sakay ng karwahe.
Malayu-layo pa lang ay pinahinto na nito ang karwahe nang may narinig na ingay. Sinundan ni Padre Salvi ang ingay at nakita niya nagtatawanang mga dalaga.
Nagtago si Padre Salvi sa isang malaking puno habang pinapakinggan at pinagmamasdan ang mga kababaihang nagtatampisaw sa ilog. Gustong gusto na rin lumusong ng pari sa ilog upang sundan ang mga dalaga ngunit napigilan naman niya ang sarili.
Napadaan si Sisa sa piknik ngunit umalis din agad. Naging usapan sa salu-salo ang balitang pagkawala ng mga anak ni Sisa bagay na pinagtalunan ni Don Filipo at Padre Salvi.
Ayon kay Don Filipo ay mas pinahahalagahan pa ang dalawang onsa na nawala kaysa sa pagkawala ng mga bata. Agad namang pumagitna sa usapan ng dalawa si Ibarra upang di na umabot sa malaking gulo.
Nakisali si Ibarra sa mga naglalaro ng Gulong ng Kapalaran. Sinubukan niyang itanong sa gulong kung possible bang matupad ang kaniyang mga plano. Subalit saktong natapat ang dais sa sagot na pangarap lamang.
Hindi naman sumang-ayon si Ibarra sa kinalabasan ng laro dahil may sapat nang katibayan at pinahintulutan na din ang pagpapatayo ng bahay-paaralan sa kanilang lugar. Hinati ni Ibarra ang kasulatan at binigay ito kina Maria Clara at Sinang.
Nang dumating si Padre Salvi ay agad na pinunit ang kasulatan ng walang pahintulot. Ayon sa pari, isang malaking pagkakasala ang maniwala sa mga kasulatang iyon.
Sa dala ng inis, sinagot ni Albino ang kura. Aniya mas malaking pagkakasala ang mangialam sa pag-aari ng iba. Dahil sa narinig ay galit na umalis ang kura pabalik sa kumbento.
Habang nagpapatuloy ang lahat sa kani-kanilang gawain, dumating ang mga gwardiya sibil at sarhento. Dumating sila upang dakipin si Elias na pinagbibintangang nanakit kay Padre Damaso.
Hinalughog ng mga gwardiya sibil ang buong kagubatan upang hanapin si Elias ngunit nabigo ang mga ito.
Talasalitaan:
- Pinagmamasdan – tinititigan
- Nagtatampisaw – naglalaro sa tubig
- Nilibot – naglalakad-lakad
- Alperes – batang opisyal ng militar
- Pinahintulutan – pinayagan
- Sarhento – ranggo ng sundalo
- Dakipin – hulihin
- Hinalughog – hinanap
- Nabigo – natalo
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento