Si Jose P. Rizal (i.
19 Hunyo 1861 — k. 30 Disyembre 1896) na may buong pangalang José Protasio Rizal Mercado y Alonso
Realonda, ay ang Pambansang Bayani ng Pilipinas na lumaban sa mga kastila
sa pamamagitan ng kaniyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo
noong panahon ng pananakop ng Espanya sa bansa. May angking pambihirang talino,
siya ay hindi lamang isang manunulat ngunit isa ring magsasaka, manggagamot,
siyentipiko, makata, imbentor, iskultor, inhinyero, kuwentista, lingguwista, at
may kaalaman sa arkitektura, kartograpiya, ekonomiya, antropolohiya,
iktolohiya, etnolohiya, agrikultura, musika (marunong siyang tumugtog ng
plawta), sining sa pakikipaglaban (martial arts), at pag-eeskrima.
May palayaw na Pepe, si Jose Rizal
ay ang ika-pito sa labing-isang anak nina Francisco Engracio Rizal Mercado y
Alejandro at Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos.
Si Francisco Engracio Rizal Mercado
y Alejandro na kaniyang ang ama, ay kabilang sa ika-apat na henerasyong apo ni
Domingo Lam-co, isang Tsinong mangangalakal na naglayag sa Pilipinas mula sa
Jinjiang, Quanzhou noong kalagitnaan ng ika-labimpitong siglo. Si Lamco ay
nakapag-asawa ng isang Pilipina sa katauhan ni Inez de la Rosa at upang makaiwas
sa hostilidad ng mga Espanyol para sa mga Intsik ay pinalitan niya ang kaniyang
apelyido ng "Mercado" (pangangalakal).
Ang pangalan namang Rizal ay
nagmula sa salitang "Ricial" o kabukiran na ginamit lamang ni
Francisco (dahil siya ay isang magsasaka) alinsunod sa kautusan ni Gobernador
Narciso Calaveria noong 1849 na magpalit ng mga apelyido ang mga Pilipino. Kalaunan
ay ginamit na rin ni Francisco ang Rizal Mercado upang makaiwas sa kalituhan
mula sa kaniyang kasamang mangangalakal.
Ang ina naman niyang si Teodora
Morales Alonso Realonda y Quintos, ay anak nina Lorenzo Alonzo (isang kapitan
ng munisipyo ng Biñan, Laguna, kinatawan ng Laguna sa Kortes ng Espanya,
agrimensor, at kasapi ng isang samahan ng mga Katoliko) at ni Brijida de
Quintos (na mula sa isang prominenteng pamilya). Ang kanilang apelyido ay
pinalitan ng Realonda noong 1849.
Kabataan
Ipinanganak sa Calamba, Laguna si
Pepe ay mula sa pamilyang masasabi ring nakaaangat sa buhay dahil sa kanilang
hacienda at lupang sakahan. Si Paciano at si Pepe lamang ang mga anak na lalaki
sa kanilang labing-isang magkakapatid. Ang kaniyang mga kapatid na babae ay sina
Saturnina, Narcisa, Olympia, Lucia, Maria, Josefa, Concepcion, Trinidad at
Soledad.
Ang pagkahilig sa sining ay
ipinamalas niya sa murang edad. Natutunan niya ang alpabeto sa edad na tatlo at
limang taong gulang naman nang siya ay mututong bumasa at sumulat. Napahanga
niya ang kaniyang mga kamag-anak sa angking pagguhit at paglilok. Walong taong
gulang siya nang kanyang isinulat ang tulang "Sa Aking Mga Kababata,"
na ang paksa ay tungkol sa pagmamahal sa sariling wika (na noon ay Tagalog)
Edukasyon
Ang kaniyang ina ang unang guro ng
ating pambansang bayani. Ito ang nagturo sa kaniya ng alpabeto, kagandahang
asal, at mga kuwento ("Minsan ay may Isang Gamo-gamo"). Samantala,
ang kanyang pormal na edukasyon ay unang ibinigay ni Justiniano Aquino Cruz sa Biñan,
Laguna. Pagkatapos noon, siya ay ipinadala sa Maynila upang mag-aral sa Ateneo Municipal de Manila (kilala ngayon bilang Ateneo
de Manila University) at doon ay tinamo ang Bachelor of Arts noong 1877 (siya ay
16 taong gulang) at nakasama sa siyam na estudyanteng nabigyan ng sobresaliente
o namumukod-tanging marka.
Ipinagpatuloy ni Jose ang pag-aaral
sa Ateneo upang maging dalubhasa sa pagsusukat ng lupa at pagiging asesor (surveying). Natapos siya sa kursong
asesor noong 21 Marso 1877 at naipasa ang Lupong Pagsusulit para dito noong 21
Mayo 1878 subalit dahil siya ay 17 taong gulang pa lamang ay hindi siya
pinahintulutang magtrabaho bilang asesor hanggang 30 Disyembre 1881. Noong
1878, pumasok siya sa Unibersidad ng Santo Tomas upang mag-aral ng medisina
ngunit dito ay naranasan niya ang diskriminasyon mula sa mga paring Dominikano.
Ipinasya niyang ipagpatuloy ang pag-aaral ng medisina at pilosopiya sa
Universidad Central de Madrid sa Espanya ng sa kaalaman ng kaniyang mga
magulang. Noong 21 Hunyo 1884, sa edad na 23, iginawad sa kanya ang Lisensiya
sa Medisina at noong 19 Hunyo 1885, sa edad na 24, ay natapos din niya ang
kurso sa Pilosopiya na may markang ekselente.
Siya ay nagsanay ng medisina sa
Hospital de San Carlos ngunit itinigil niya ito upang mag-aral ng optalmohiya
sa Paris sa ilalim ng pagtuturo ni Dr. Weckert at sa Aleman sa ilalim ni Dr.
Otto Becker. Ginawa niya ito sapagkat noong panahong iyon ay malala na ang
sakit sa mga mata ng kaniyang ina. Sa Berlin, siya ay naging kasapi ng Berlin
Ethnological Society at Berlin Anthropological Society sa ilalim ng pamunuan ng
pamosong patolohistang si Rudolf Virchow.
Kay Rizal ang isa sa mga
pinakadokumentadong buhay noong ika-labingsiyam na siglo dahil sa mga tala
tungkol sa kaniya (ang ilan sa mga ito ay sa tala-arawan niya mismo
nanggaling), kahit pa nahirapan ang mga manunulat na gumawa ng kaniyang
talambuhay dahil sa paggamit niya ng iba't ibang lengguwahe. Karamihan sa mga
tala ay hinango mula sa kaniyang paglalakbay bilang isang batang Asyanong
namumulat sa kultura ng Kanluran. Kasama rin dito ang kaniyang paglalakbay sa
Europa, Hapon, Estados Unidos, at sa Hongkong kabilang na rin ang mga babaeng naging
bahagi ng kaniyang buhay.
Habang nasa Europa, naging bahagi
si José Rizal ng Kilusang Propaganda, na kumukunekta sa ibang mga Pilipino na
nagnanais ng reporma. Isinulat din niya ang kanyang unang nobela, ang Noli
Me Tangere (Touch Me Not / The Social Cancer), isang aklat tungkol sa
madilim na aspeto ng kolonyal na paghahari ng Espanya sa Pilipinas, partikular
na pinagtuonan dito ang papel ng mga Katolikong prayle. Ang libro ay
ipinagbawal sa Pilipinas, bagaman maraming kopya ang nakapasok sa bansa. Dahil
sa nobelang ito, naging tudlaan siya ng pulisya dahilan upang ang kanyang
pagbabalik sa Pilipinas noong 1887 ay mapaikli.
Nagbalik si Rizal sa Europa at
patuloy na nagsulat. Sa panahong ito ay inilabas niya ang kanyang sumunod na
nobela, ang El Filibusterismo (Ang Paghahari ng Kasakiman)
noong 1891. Naglathala din siya ng mga artikulo sa La Solidaridad,
isang pahayagan na nakahanay sa layunin ng Propaganda. Sa mga reporma na
itinaguyod ni Rizal ay hindi kasama ang kalayaan ng Pilipinas sa Espanya. Siya
ay nanawagan para sa pantay na pagtrato sa mga Pilipino, sa paglilimita sa
kapangyarihan ng mga Kastilang Espanyol at representasyon para sa Pilipinas sa
korte ng Espanya.
Nagbalik si Rizal sa Pilipinas
noong 1892 dahil nararamdaman niya na kailangan siya ng bansa para sa
pagbabago. Kahit na itinatag niya ang La Liga Filipina, suportado
ni Rizal ang di-marahas na aksyon. Ngunit hindi ito sapat dahil
naniniwala ang mga Espanyol na isa siyang malaking banta dahilan upang
ipinatapon siya sa Dapitan, sa isla ng Mindanao.
Noong 1895, hiniling ni Rizal na
magpunta sa Cuba bilang isang hukbong doktor. Ang kanyang kahilingan ay
naaprubahan, ngunit noong Agosto 1896, ang Katipunan, isang nasyonalistang
lipunang Pilipino na itinatag ni Andres Bonifacio, ay nagrebolusyon. Bagaman
wala siyang kaugnayan sa grupo, at hindi niya aprubado ang marahas na
pamamaraan, si Rizal ay inaresto at ikinulong.
Matapos ang isang paglilitis, si
Rizal ay nahatulan ng sedisyon at sinentensiyahan ng kamatayan sa pamamagitan
ng firing squad. Isinagawa ang pampublikong pagpatay kay Rizal
sa Maynila noong Disyembre 30, 1896, noong siya ay 35 taong gulang. Ang kanyang
kamatayan ay nagbunsod ng higit pang mga pagsalungat sa mga panuntunan ng
Espanya at naging hakbang upang makamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa mga
Espanyol noong 1898.
Si Jose Rizal ay isang magaling at masipag na tao siya ay isang tunay na bayani saating bansa. Dapat ay malaman pa ito o mabasa pa ito ng ibang kabataan upang gamitin nila ito sa pag momotibo sakanilang pagaaral.
TumugonBurahin